85 KATAO SINAGIP NG PHILIPPINE NAVY SA KARAGATAN

UMABOT sa 85 katao mula sa isang distressed vessel ang sinagip at pinakain ng mga tauhan ng Philippine Navy kasunod ng rescue operation sa gitna ng dagat sa Tawi-Tawi.

Ayon sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni Navy Flag Officer in Command (FOIC) Vice Admiral Toribio Adaci Jr., nagsagawa ng rescue operation ang kanyang mga tauhan mula sa patrol craft BRP JOSE LOOR SR (PC390) na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Naval Forces Western Mindanao, para hanapin at iligtas ang mga sakay ng isang motor boat.

Ayon kay Commander Benjo Negranza, Naval Public Affair Office chief, nasa 78 passengers at pitong crew ang sakay ng distressed vessel na natunton ng BRP Jose Loor Sr. sa karagatang sakop ng Tawi-Tawi.

Base sa isinumiteng ulat ni Lt. Chester Ross A. Cabaltera, Acting Public Affairs Officer, Naval Forces Western Mindanao, nakatanggap ng distressed call ang PC390 hinggil sa isang lantsa na nasiran ng makina sa Sibutu Passage.

Matapos na makatanggap ng emergency call ay agad na dineploy ng Naval Task Force 61 ang PC390 mula Lamion Wharf sa Bongao, Tawi-Tawi, para pasimulan ang maritime search and rescue mission.

Nakipag-ugnayan ang PC390 sa Navy’s Littoral Monitoring Station Bongao para matukoy ang eksaktong lokasyon ng distressed vessel sa Sibutu Passage.

Bandang tanghali ay natunton na sa radar at nagkaroon ng visual contact sa Motor Launch DHIEMAL, ang naghahanap na mga tauhan ng Philippine Navy sa 9 nautical miles southwest ng Bakalao Point, Sibutu, Tawi-Tawi.

Agad na nalapitan ang Motor Launch DHIEMAL at hinatak ito papuntang Bongao, Tawi-Tawi. Ang Motor Launch DHIEMAL ay pinangungunahan ng isang Ramal Hji Mallih, at may sakay ng 85 katao kabilang ang pitong tripulante nito.

Sinasabing nagmula sila sa Tandu Banak, Sibutu, at papunta sana ng Bongao, Tawi-Tawi nang maganap ang insidente.

“At 5:40 p.m., Wednesday, PC390 with the towed vessel arrived at Lamion Wharf where the passengers and it’s crew were served with hot food and subsequently turned over to the staff of the Ministry of Social Services and Development (MSSD) for their counselling, stress debriefing and later to be sent off to their respective families,” ayon sa ulat.

Pinaalalahanan naman ni Naval Forces Western Mindanao Commander Radm Donn Anthony L. Miraflor ang mga manlalayag na tiyakin muna ang kondisyon at seaworthiness ng kanilang mga sasakyan bago pumalaot para masiguro ang kaligtasan ng kanilang mga pasahero.

(JESSE KABEL RUIZ)

86

Related posts

Leave a Comment