MAGSASAGAWA ng hiwalay na imbestigasyon ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa lahat ng proyekto na ipinatupad ng Department of Education (DepEd) noong panahon ni Vice President Sara Duterte.
Sa mosyon ni Batangas Rep. Gerville “Jinky” Luistro at hindi tinutulan ng sinumang miyembro ng House committee on appropriations, inaprubahan ang kahilingan na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon kung paano na-bid ang mga proyekto sa DepEd tulad ng mga laptop.
Ginawa ng mambabatas ang mosyon dahil sa paniniwala ni AKO Bicol party-list Rep. Jil Bongalon na nagkaroong ng ‘rigged bidding” sa laptop procurement para sa computerization program ng DepEd noong panahon ni Duterte.
“I have information that during that first bidding, the variance was 24%,” ani Bongalon subalit sa hindi maipaliwanag ng dahilan ay muling nagkaroon ng bidding kung saan naging 1% na lamang ang variance kaya nawalan aniya ng P1.6 billion ang gobyerno.
Kuwestiyonable rin umano na isang bidder lamang ang nanalo sa 2 sa 16 lots na dahil nadiskwalipika ang ibang bidder subalit pinasali sa mga sumunod ng bidding.
“Sa madaling sabi po, Madam Chair, rigged po ‘yung bidding,” ayon pa kay Bongalon.
Dahil dito, hiniling ni Luistro sa komite na mag-isyu ng subpoena duces tecum sa lahat ng mga nai-bid na proyekto ng DepEd mula 2022 hanggang 2023 at magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon dito ang Kongreso.
Kalaunan ay inaprubahan naman ng Kamara ang budget ng DepEd sa 2025 sa ilalim ni Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara na nagkakahalaga ng P793.18 billion kung saan ipinangako nito na makikipagtulungan ang kanyang ahensya sa imbestigasyon.
Bukod sa anomalya umano sa laptop procurement, inaasahang isasama sa imbestigasyon ang mga kwestiyonableng feeding program ng ahensya kung saan nawawala umano ang mga biniling gatas at bulok na ang mga nutribuns. BERNARD TAGUINOD
43