BIOMETRICS IPINAALALA SA SENIORS SA MAYNILA

HINIMOK ni Mayor Honey Lacuna ang lahat ng senior citizens na makipagtulungan sa kani-kanilang barangay para ma-update ang kanilang biometrics.

Nanawagan din si Lacuna sa lahat ng opisyal ng 896 barangay sa Maynila na tulungan ang pamahalaang lokal sa pagpapakalat ng impormasyon na kailangan sa biometrics ng senior citizens.

Sumulat na ang Public Employment Service Office (PESO) sa pamumuno ni Fernan Bermejo sa Manila Barangay Bureau upang ipakalat ang schedule ng nasabing proseso sa mga barangay.

Mula rito ay iimpormahan naman ng mga opisyal ng barangay ang mga residente sa kanilang nasasakupan.

Ang pagkuha ng biometrics sa parehong senior citizens at barangay officials ay magsisimula sa mga barangay sa Districts 1 and 2.

Payo ni Lacuna, makipagtulungan sa kanilang barangay ang mga kukuha ng biometrics na magsisimula ng 9 a.m. hanggang 4 p.m. at ito ay hanggang June 14, ngayong taon.

Ang nasabing proseso ay pamamahalaan ng mga kawani mula sa Electronic Data Processing Office na pinamumunuan ni Fortune Palileo.

Paliwanag ng alkalde, kailangan ang biometrics para ma-update ang information ng senior citizens at ang listahan ng pamahalaang lungsod para maging gabay sa distribusyon ng social amelioration package (SAP).

Gagamitin din ito para sa senior citizens’ Manila Residents Identification Card (MRID). (JESSE KABEL RUIZ)

40

Related posts

Leave a Comment