Dahil sa dinoktor na covid test results LABORATORYO SA VALENZUELA IPINASARA

IPINASARA ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela at sinuspinde ang business permit ng kontrobersyal na Bestcare Medical Clinic and Diagnostic Center, Inc. sa gitna ng mga ulat na nag-aalok ito ng Reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) swab tests nang walang lisensya bilang accredited COVID-19 testing facility.

Nilagdaan ni Mayor Rex Gatchalian ang Executive Orders No. 015 at 016 Series of 2021 kung saan nakasaad ang suspensyon ng permit at pagpapakandado ng dalawang sangay ng Bestcare sa Barangay Karuhatan.

Ayon sa pahayag ng Pamahalaang Lungsod, lumabag din ang Bestcare sa mga probisyon ng Republic Act 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concerns Act dahil sa hindi nito pag-uulat ng COVID-19 test results at dahil din sa umano’y paglalabas nito ng RT-PCR results nang walang lisensya bilang COVID-19 testing laboratory.

Sa liham nitong may petsang Enero 27, 2021, nag-isyu ang Business Permits and Licensing Office (BPLO) ng Valenzuela ng ‘Notice to Explain’ sa Bestcare Medical Clinic and Diagnostic Laboratory matapos makatanggap ng impormasyon na namemeke ng swab test results ang Bestcare gamit ang pangalan ng ibang laboratory.

Dahil iniimbestigayan pa ang insidente, sinuspinde ng Valenzuela ang business permit ng Bestcare para pangalagaan ang karapatan ng mga konsyumer at publiko dahil sa ginagawa ng laboratoryo na “misrepresentation.”

Sa sagot ng Bestcare na may petsang Enero 29, 2021, hindi nito natugunan nang diretso at sapat ang isyu ukol sa mga kwestyonable nitong ginawa.

Kabilang sa mga pinagbatayan ng Pamahalaang Lungsod sa pagsuspinde ng business permit ng Bestcare ang: 1) Violation of Mayor’s Permit; 2) Violation of Waiver/Undertaking; 3) Violation of Consumer Rights, at; 4) Violation of the provision of the Local Government Code on General Welfare.

Nagpaalala ang Pamahalaang Lungsod na manatiling mapagmatyag at maingat sa mga laboratoryong nag-aalok ng kahina-hinalang COVID-19 tests at iba pang serbisyo at hinikayat ang mga mamamayan na iulat ang mga posibleng paglabag sa BPLO sa telepono bilang 8352-1000.

Kaugnay nito, 162 na ang active COVID-19 cases sa Valenzuela City matapos na madagdagan ng pito ang kumpirmadong kaso, at hanggang alas-7:00 ng gabi noong ng Enero 29 ay 9,179 na ang bilang nito.

Nananatili namang 8,753 ang gumaling at 264 ang namatay sa lungsod dahil sa pandemya.

Samantala, isang COVID-19 patient mula sa Barangay Dampalit, Malabon City ang namatay nitong Enero 29, ang ika-242 pandemic fatality ng lungsod.

Ayon City Health Department, 16 ang nadagdag na confirmed cases nitong Sabado kaya’t 6,280 na ang positive cases sa Malabon, 80 dito ang active cases.

Sa kabilang banda, apat ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling. Sa kabuuan ay 5,958 na ang recovered patients sa siyudad. (ALAIN AJERO)

96

Related posts

Leave a Comment