HIGIT 30K TAUHAN NG PCG KASADO NA SA SEMANA SANTA

KASADO na ang 30,500 tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) para magpatupad ng security measures sa mga daungan sa buong bansa upang masiguro ang kaligtasan ng mga biyahero sa panahon ng Semana Santa.

Sinabi ni PCG Commandant, Admiral Ronnie Gil Gavan, ilalagay sa heightened alert mula Marso hanggang Abril 3 ang organisasyon upang paigtingin ang seaborne patrols at safety measures sa lahat ng mga pantalan at waterways.

Ang dagsa ng mga pasahero ay inaasahan sa iba’t ibang pantalan sa buong bansa dahil milyon-milyon ang bumibiyaheng pasahero na umuuwi sa kani-kanilang probinsya sa Holy Week break.
Magsisimula ang Holy Week sa Palm Sunday, Marso 24 at matatapos sa Easter Sunday, Marso 31.

Karaniwang nagiging problema tuwing ganitong panahon ay overloading at hindi nakakondisyon na mga barko, ayon kay Gavan.

Upang maiwasan ito, inatasan ni Gavan ang mga PCG inspector na mahigpit na i-tsek ang lahat ng mga pasahero na nakalista sa manipesto at huwag paalisin o kaya pabalikin sa daungan kapag may overloading.

Ipinag-utos din ng opisyal sa kanyang mga tauhan na paigtingin ang pagkumpiska sa ipinagbabawal na mga bagay tulad na pampasabog, matatalas, baril at illegal drugs bukod sa iba pa.
Bukod dito, pinayuhan ni Gavan ang ship captain na i-tsek ang kondisyon ng kanilang barko bago sila maglayag upang maiwasan ang anomang aksidente habang nasa dagat.

(JOCELYN DOMENDEN)

37

Related posts

Leave a Comment