(KEVIN COLLANTES)
INIHAYAG ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) na malapit nang mag-season finale o matapos ang ‘init problems’ na nararanasan ng mga train commuters ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).
Sa isang paabiso, ipinagmalaki ng DOTr, na pinamumunuan ni Secretary Arthur Tugade, na ito’y dahil unti-unti nang nagdadatingan ang mga bagong air-conditioning unit na binili nila upang mailagay sa mga tren ng MRT-3, na bumibiyahe sa kahabaan ng EDSA at siyang nag-uugnay sa North Avenue, Quezon City at Taft Avenue, Pasay City.
Ayon sa DOTr, sa ngayon ay 60 brand new aircon units na ang dumating at mayroon pa umano silang hinihintay na 18 bagong aircon units upang malagyan ang lahat ng kanilang mga tren.
Sinabi ng DOTr na napapanahon ang pagdating ng mga bagong aircon units dahil unti-unti nang nararamdaman ang panahon ng tag-init sa bansa.
“Malapit na pong mag #SeasonFinale ang init problems natin sa MRT-3,” anunsiyo pa ng DOTr sa kanilang social media accounts.
“Winter is coming? Hindi! May mga bagong aircon lang na dumating,” dagdag pa nito. “60 brand new aircon units na nasa atin, 18 more na lang ang hihintayin!”
Nabatid na ang pagbili ng mga bagong aircon units ay bahagi ng pagsusumikap ng DOTr na mabigyan ng mas maganda at kumportableng biyahe ang kanilang mga suking commuters.
257