(NI KEVIN COLLANTES)
MAAARI nang makapagpasok muli ng liquid items sa mga istasyon at tren ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ang kanilang mga commuters.
Ito, ayon sa Department of Transportation (DOTr), ay sa kondisyong hindi ito lalampas sa daming 100 milliliter (ml) lamang.
Sinabi ng DOTr na kabilang sa mga papayagang maipasok sa tren matapos na mabusisi ay tubig, gatas, pabango, lotion at iba pa.
Nauna rito, kamakailan ay naghigpit ang MRT-3 at hindi na pinayagan ang pagpapasok ng mga liquid items sa kanilang mga istasyon dahil na rin umano sa banta nang pagpapasabog sa kanilang mga istasyon.
Marami naman ang umalma sa ipinatupad na mahigpit na seguridad sa MRT-3 dahil kahit kaunti lamang ang dalang likido ay hindi pa rin ito pinapayagan at kinukumpiska pa rin ng mga guwardiya.
Ayon naman sa MRT-3, ang mga nakumpiskang liquid items gaya ng pabango, lotion, alcohol, sanitizer at iba pa ay maaring balikan at bawiin ng mga pasahero sa istasyon kung saan ito nakumpiska.
Ang MRT-3, ay bumabagtas sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA), mula North Avenue, Quezon City hanggang Taft Avenue, Pasay City, at pabalik.
166