AGAW-EKSENA si dating Iloilo City mayor Jed Mabilog sa kanyang pagharap sa House Quad Committee kahapon kung saan binatikos niya si dating pangulong Rodrigo Duterte.
Nakatakda sanang talakayin ng House Quad Comm ang operasyon ng ilegal na POGO sa bansa ngunit biglang sumipot si Mabilog sa pagdinig at humingi ng ilang minuto para basahin ang kanyang salaysay.
Binigyan ni Committee Chairperson Ace Barbers si Mabilog ng ilang minuto ngunit inabot din ng halos 20 minuto ang kanyang pahayag. Nagamit din ang oras ng Komite sa pagtatanong kay Mabilog kahit wala siya sa agenda.
Naiiyak na ipinaliwanag ni Mabilog, napilitan siyang abandonahin ang kanyang puwesto at mga kababayan sa Iloilo City at nagtago ng pitong taon sa ibang bansa dahil sa takot sa kanyang buhay.
Ayon kay Mabilog, nagsimula ang lahat nang isama siya ni Duterte sa narco-list at tinawag na protektor ng mga sindikatong sangkot sa ilegal na droga nang walang anomang matibay na batayan.
Pagkatapos, ilang beses din daw siyang pinagbantaan ni Duterte sa kanyang mga talumpati. Lalo raw siyang natakot nang inanunsyo ni Duterte sa telebisyon na iniutos niya ang pagsalakay sa bahay ni Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog Sr. na humantong sa pagkamatay ng 15 katao, kabilang na ang alkalde at kanyang asawa.
Ito raw ang dahilan kung bakit nagpasya siyang abandonahin ang kanyang mga kababayan at manatili sa ibang bansa ng pitong taon.
Malayong-malayo si Mabilog kay dating Senador Leila de Lima, na hindi umalis ng bansa at buong tapang na hinarap ang mga kasong isinampa sa kanya hanggang ibasura ang mga ito ng hukuman. Sa kabila ng kanyang paghuhugas-kamay, hindi pa rin lusot si Mabilog dahil plano ng Department of Justice (DOJ) na gisahin siya tungkol sa kanyang kinalaman sa ilegal na droga, ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.
Bukod sa umano’y kinalaman sa ilegal na droga, kinasuhan din si Mabilog ng graft sa Sandiganbayan ukol sa kanyang pakikialam sa pag-award ng kontrata sa isang towing service company na mayroon siyang interes.
Pinatalsik din si Mabilog sa puwesto ng Office of the Ombudsman matapos mapatunayang guilty sa “serious dishonesty” kaugnay ng ilegal na yaman at pinatawan ng perpetual disqualification sa paghawak ng anomang puwesto sa gobyerno.
Sa isang panayam, sinabi ni Remulla na nagbalik si Mabilog sa bansa para bawiin ang dating pwesto, dahil bumalik ito tatlong linggo bago ang paghahain ng certificates of candidacy para sa 2025 national at local elections.
48