TINAWAG ng mga kongresista sa Kamara na isang uri ng pambubudol ang ipinangalandakan ni dating pangulong Rodrigo Duterte na mas maraming krimen ngayon kumpara noong siya ang pangulo ng bansa.
“Nabudol na naman tayo. Malinaw na mas mababa ang krimen ngayon kumpara noong panahon ng dating administrasyon,” ani House committee on public order and safety chair Dan Fernandez.
Base aniya sa datos ng Philippine National Police (PNP), ang crime index mula July 1, 2022 hanggang July 28, 2024 ay bumaba sa 83, 059 mula sa 217, 830 sa unang dalawang taon ni Duterte o mula 2016 hanggang 2018.
Sa kaso aniya ng murder, homicide, physical injuries at rape bumaba ito ng 55.69 percent habang sa kaso ng robbery, theft, car theft at iba pang crimes against property ay nabawasan ng 66.81 dahil mula naging 41,420 na lamang ito sa unang dalawang taon ni Marcos kumpara sa 124,799 sa parehong panahon sa ilalim ni Duterte.
Ayon naman kay House committee on dangerous drugs chair Robert Ace Barbers, ang ‘command circular’ ni dating PNP Chief at ngayo’y Senador Ronald “Bato’ Dela Rosa noong July 1, 2016 na inisyu sa mga field commanders ang nagpataas ng crime rate sa bansa.
Dahil sa salitang “neutralization” na nakasaad sa command circular, naging madugo aniya ang war on drugs na pinangunahang ni Dela Rosa na siyang nagpataas ng crime rates.
“Ang isang action ay may kasunod na reaction. Kapag pinatay mo ang isang drug suspect, lalo na kung nadamay pa ang inosenteng kamag-anak o civilian, malamang sa hindi, may maghahangad sa pamilya ng namatayan ng paghihiganti,” ani Barbers.
“So, wala kang sinosolusyunan na problema, gumagawa ka pa ng bagong problema,” dagdag pa ng mambabatas kaya mismo ang gobyerno umano lalo na sina Dela Rosa at Duterte ang nagpataas ng crime rate sa bansa noong panahon ng mga ito.
Ang masaklap aniya, sa halos 30,000 napatay sa war on drugs, 20,000 dito ang users lamang habang ang malalaking drug lords na malapit umano sa pangulo ay nalibre sa war on drugs. (BERNARD TAGUINOD)
26