PATULOY na tinutugaygayan ng mga awtoridad ang itinuturing na mga Chinese big boss ng Lucky South 99 POGO at ng POGO hub sa Bamban, Tarlac.
Sinasabing ang tatlong big boses ay naging mga kasosyo ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo, ay tuloy-tuloy na minamanmanan ngayon ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), Bureau of Immigration, at maging ng National Bureau of investigation.
Ayon sa PAOCC, lumalabas na iba-ibang hawak na passport ang mga naturang Chinese national na nagpapaikot-ikot umano sa mga kalapit bansa.
Una nang kinumpirma ng PAOCC na nasa Hong Kong na si Huang Zhiyang, ang sinasabing “boss of all bosses” ng ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Sinabi ni PAOCC Undersecretary Gilbert Cruz sa pagdinig sa Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, na nagtago sa ibang bansa ang iba pang dayuhang nauugnay sa POGO na umano’y tumulong sa pagpapaalis kay Mayor Alice Guo.
Kabilang dito sina Duanren Wu at Zhang Jie na nasa Indonesia at Singapore, ayon kay Cruz.
Samantala, inihayag din ng PAOCC na bineberipika nila ngayon ang kinaroroonan ni Wesley Guo, ang umano’y kapatid ni Alice Guo, na sinabing nasa Hong Kong.
Nang tanungin ng Senado kung na-link si Wesley kay Huang Zhyang sa special administrative region (SAR) ng China, sinabi ni Cruz na sinusubukang nilang i-validate ang impormasyon hinggil sa presensya ni Wesley Guo sa Hong Kong.
Habangh sinabi rin ni Cassandra Li Ong— ang authorized representative ng Lucky South 99 POGO firm—-na walang siyang idea kung ang kanyang umanong nobyo na si Wesley ay nakipagkita kay Huang Zhiyang dahil hindi niya alam kung nasaan ngayon si Wesley.
Itinanggi rin ni Ong na kilala niya ang isang Xiao Long na nauugnay sa Lucky South 99 at Whirlwind Corporation.
Ang Whirlwind Corporation ay ang kumpanyang nagpaupa ng ari-arian nito sa bayan ng Porac sa Pampanga sa POGO hub ng Lucky South 99.
Ayon naman kay PAOCC spokesperson Winston John Casio, ang isang kinasuhan na si Xiao Long ay isa sa subject na person of interest sa Lucky South 99 na sinundan at hinuli at kinasuhan sa Lapu-Lapu City.
Magugunitang nasa 150 dayuhan, kabilang ang mga indibidwal na pinaniniwalaang bahagi ng sinalakay na POGO hub sa Pampanga para sa mga napaulat na ilegal na aktibidad, ay naunang natunton ng mga awtoridad sa isang pribadong compound sa Lapu-Lapu City, sa Cebu.
Sinabi ng mga awtoridad na ang mga dayuhan ay mula sa China, Indonesia at Myanmar. Natagpuan ang mga ito matapos i-alerto ng Indonesian na tumakas mula sa compound ng kanilang embahada sa Pilipinas na siya namang nagsumbong sa mga lokal na awtoridad. (JESSE KABEL RUIZ)
178