MRT-3 NAGPALIWANAG VS ‘LIQUID BOMB’ SA COMMUTERS

MRT-13

(KEVIN COLLANTES)

NAGPALIWANAG na ang Department of Transportation -Metro Rail Transit Line 3 (DOTr-MRT-3) hinggil sa ginawa nilang pagpapatupad ng mas mahigpit na seguridad at pagbabawal sa pagpapasok ng mga likido sa kanilang mga istasyon at mga tren.Ayon sa DOTr-MRT-3, isang email na nagbabanta na pasasabugin ang MRT-3 ang kanilang natanggap noong Enero 3 sanhi upang kaagad silang makipag-ugnayan sa pamunuan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) upang matunton ang pinagmulan nito.

Dito na rin umano sila nagpasyang magpatupad ng mas mahigpit na seguridad dahil sa pangambang totohanin ang pagbabanta ng pagpapasabog, bunsod na rin nang naganap na bombing incidents sa Mindanao, na ikinasawi ng ilang indibidwal at pagkakasugat ng daang iba pa.

Iginiit ng DOTr-MRT-3 na nais lamang nilang makasigurado at ayaw nilang ikompromiso ang kaligtasan at seguridad ng daan-libong pasahero na araw-araw na sumasakay sa kanilang mga tren.

Tiniyak rin naman nila na prayoridad nila ang kaligtasan ng kanilang mga pasahero at hindi magdadalawang-isip na magtupad ng mas epektibong mga pamamaraan upang matiyak lamang na hindi malalagay sa alanganin ang kanilang kaligtasan.

Matatandaang umani ng pagbatikos mula sa publiko ang pamunuan ng DOTr-MRT-3 matapos na maghigpit sa pagpapasok ng mga likido sa kanilang mga istasyon at mga tren, gaya ng tubig, softdrinks, juice, pabango, cologne, mouthwash, lotion at iba pang uri ng likido.

Gayunman, ayon sa DOTr-MRT-3, madaling haluan ang mga ito ng liquid bomb kaya’t kanila itong ipinagbawal.

Nabatid na ang liquid bomb ay binubuo ng nitroglycerin, na may apat na components, kabilang ang carbon, nitrogen, hydrogen at oxygen.  Oily at malinaw umano ang nitroglycerin at madali itong itago sa mga bote ng lotion, shampoo at maging pabango.

Kaagad na rin namang humingi ng paumanhin ang DOTr-MRT-3 at umapela ng pang-unawa at kooperasyon sa riding public sa kanilang bagong mga regulasyong ipinatutupad.

Nabatid na alinsunod sa mga bagong regulasyon ng DOTr-MRT-3, pinapayagan pa rin naman ang ilang liquid items ngunit kailangang validated at aprubado ang mga ito ng kanilang mga security personnel, gayundin ng mga police officers na nakaantabay sa mga istasyon ng tren.

Ilan naman sa items na kinakailangan muna ng balidasyon at permiso bago maipasok sa kanilang mga istasyon ay mga baby formula / breast milk sa bote, kung may kasamang sanggol ang pasahero; drinking water na ginagamit ng mga baby; lahat ng prescription at over-the-counter medications; likido kabilang ang tubig, juice, liquid nutrition, o gel para sa mga pasaherong  or gels para sa pasahero na may disability o life condition;  life-support at life-sustaining liquids gaya ng bone marrow, blood products, at transplant organs; mga items para sa body augmentation at para sa medical at cosmetics reasons gaya ng mastectomy products, prosthetics breast, bras o shells na may gel, saline solution, o iba pang uri ng likido; at iba pang mga uri ng gels o frozen liquids.

Ang MRT-3 ay bumibiyahe sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA), mula Taft Avenue, Pasay City hanggang North Avenue, Quezon City.

77

Related posts

Leave a Comment