(NI KEVIN COLLANTES)
WALANG aasahang extended operating hours mula sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ang publiko ngayong Christmas season.
Ito ay dahil nagpasya na ang Department of Transportation (DOTr-MRT3) na huwag na munang palawigin ang oras ng kanilang operasyon ngayong panahon ng Kapaskuhan, upang bigyang-daan ang full blast rail replacement activities na isasagawa ngayong ‘ber months.’
Sa isang kalatas, sinabi ng DOTr-MRT3 na kailangan nila ng sapat na oras at panahon para maisaayos ang mga sira-sira at baku-bako nilang linya kaya’t sa halip na palawigin ang kanilang biyahe tulad ng nakagawian kapag magpa-Pasko, ay gagawin na lamang nilang puspusan ang pagpapalit ng kanilang mga riles.
Ayon sa DOTr-MRT3, ngayong Oktubre ay sisimulan na nila ang pagwe-welding ng 4,053 piraso ng riles sa Rail Welding Area sa Taft Avenue Station kung saan pagdudugtung-dugtungin ang 10 piraso ng tig-18 metrong riles upang makabuo ng isang long-welded rail (LWR) na may habang 180 metro.
Pagkatapos umano nito ay ilalatag na ang mga naturang LWRs sa rail tracks.
“Maglalaan po muna tayo ng sapat na oras at panahon para sa rail replacement in the last three months of this year. Masyado na pong sira-sira at baku-bako ang ating mga riles kaya kinakailangan na po talaga itong mapalitan sa lalong madaling panahon. ‘Yan po ang direksyon na napagkasunduang pinakamainam matapos po ang aming koordinasyon, at ayon na rin sa rekomendasyon ng mga eksperto mula sa Sumitomo at Mitsubishi Heavy Industries,” ayon kay Michael Capati, ang Director for Operations ng MRT-3.
173