PAGCOR IDINIIN SA POGO OPERATIONS

SA halip ibunton ang sisi kay Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, dapat tingnan ang pagkukulang ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na siyang nagre-regulate sa mga POGO.

Reaksyon ito ng kampo ni Mayor Guo na nanindigan na wala siyang kaugnayan sa anomang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) operations.

Itinuro rin nito ang pananagutan ng PAGCOR sa ilegal na operasyon at pagkakasalakay sa Zun Yuan Technology Incorporated.

Ayon sa alkalde, patuloy na nasasangkot ang kanyang pangalan sa kabila ng pagiging inosente niya. Iginiit din nito na ang tunay na isyu ay ang pagsalakay sa Zun Yuan Technology Incorporated dahil sa reklamo ng human trafficking at seryosong ilegal na pagkulong at hindi tungkol sa kanya.

Sinabi ni Guo na walang kapangyarihan ang Local Government Unit (LGU) sa POGO operations bagkus hawak ito ng PAGCOR na siyang nagre-regulate at nagbibigay ng license to operate.

Ayon naman kay Atty. Nicole Jamilla, abogado ni Guo, limitado lamang sa administratibong tungkulin ang pananagutan ng LGU gaya ng pag-isyu ng mga business permit.

Iginiit ni Atty. Jamilla na walang paglabag sa Republic Act 3019 o Anti Graft and Corrupt Practices Act si Mayor Guo base na rin sa naging reklamo sa Office of the Ombudsman.

Ipinaliwanag nito na walang ginawa si Mayor Guo na katumbas ng manifest partiality, evident bad faith o gross inexcusable negligence na siyang elemento sa paglabag sa Anti Graft and Corrupt Practices.

Ani Atty. Jamilla, ang pag isyu ng permit ng LGU sa Zun Yuan Technology Incorporated ay base sa proseso at rekomendasyon ng PAGCOR at ang hindi rin agarang pag-revoke sa business permit nito ay dahil sa proseso na dapat sundin.

“Si Mayor Guo ang biktima dito, siya ay hindi makatarungang nasangkot sa mga isyu na pangunahing naka-ugat sa mga responsibilidad sa regulasyon ng PAGCOR. Ang kawalan ng mga kinakailangang elemento sa ilalim ng RA 3019, Section 3(e), ay nagpapatunay na ang mga akusasyon ay kulang sa matibay na batayan” pahayag ni Atty Jamilla.

Samantala, nanindigan si Mayor Guo na inosente siya sa mga paratang laban sa kanya. Aniya, nakalulungkot ang suspension order na ipinalabas ng Office of the Ombudsman subalit kanya itong rerespetuhin.

“Ako po ay sumasang-ayon sa proseso ng batas at tinatanggap ang pasya ng Ombudsman. Nais ko rin pong iparating na wala akong kasalanan at tapat akong nagsisilbi sa ating bayan at mamamayan. Naniniwala ako na ito ay pagkakataon upang linawin ang mga paratang laban sa akin. Ako ay handang makipagtulungan sa mga kinauukulan upang masiguro ang katotohanan at hustisya,” nakasaad sa statement ni Mayor Guo.

Pinasalamatan din ng alkalde ang patuloy na suporta at pagmamahal na natatanggap nito mula sa mga residente ng Bamban, Tarlac.

Aminado si Guo na simula pa lamang ng kanyang laban at hindi nya ito susukuan para na rin sa mga residente na naniniwala sa kanya.

“Nandito pa rin ako, handang tumulong, para sa lahat ng kabataan ng Bamban, sa lahat ng mga matatanda, kalalakihan, kababaihan, maging LGBTQ man, para sa lahat ng inaapi, mahihina, nawawalan ng pag-asa, sa lahat ng mga vulnerable at disadvantaged, sa mga negosyante, guro, mag-aaral, TODA, religious groups, farmers group, mga katutubo, tatay, nanay, ate, kuya, at sa lahat ng mga taga-Bamban. Umpisa pa lamang po ito. Hindi ko kayo iiwan,” pagtatapos pa ni Mayor Guo.

78

Related posts

Leave a Comment