SISIMULAN ngayong Sabado ang serye ng entrance test para sa Philippine Military Academy (PMA) class 2028.
Ang naturang entrance examination ay nakatakdang gawin sa 46 testing centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Unang isasagawa ito sa Mindanao ngayong Agosto 10 hanggang 11, 2024. Sunod ang Visayas at Region 5 sa Agosto 24-25.
Sa National Capital Region at Region 4-A at 4-B naman ay magsisimula sa Setyembre 7 hanggang Setyembre 8.
Huling magsasagawa ng examination ang Central at iba pang rehiyon sa North Luzon na nakatakda naman sa Setyembre 21 hanggang 22.
Ayon kay PMA spokesperson Maj. Maria Charito Dulay, naabisuhan na ng pamosong military school ang mga kukuha ng naturang pagsusulit kaugnay sa nakatakdang mga araw.
Samantala, ang mga PMA cadet na papasa sa naturang pagsusulit ay sasabak sa apat na taong military training program at hahanguin sila bilang mga opisyal at lider ng tatlong major command ng Armed Forces of the Philippines: Philippine Army, Philippine Navy, at Philippine Air Force.
Sila ay gagawaran ng Bachelor of Science – Degree in Management Major in Security Studies. (JESSE KABEL RUIZ)
63