PINAGALITAN sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang hepe ng Catanauan, Quezon dahil sa pag-aresto sa grupo ng movie director na si Jade Castro nang walang warrant of arrest kaugnay ng sinunog na modern jeep noong Enero 31, 2024 sa nasabing lalawigan.
Sa pagdinig ng House Committee on Peace and Order na pinamumunuan ni Sta. Rosa Rep. Dan Fernandez, hindi naitago ni House Deputy Majority Leader Walter Palma ang galit sa hepe ng Catanauan, Quezon Municipal Police Station na si Police Capt. Daniel dela Cruz Jr.
“Iimbitahin mo, tapos aarestuhin mo? Is that proper?” paninita ni Palma kay Dela Cruz dahil lumalabas na inimbitahan lang umano ang grupo ni Castro mula sa Mulanay, Quezon at pagdating sa Catanauan Police Station ay inaresto ang mga ito.
Sa paliwanag ni Dela Cruz, may hot pursuit operation kaugnay ng kasong arson sa Catanauan, Quezon at nakatanggap ang mga ito ng report mula sa Mulanay, Quezon Police Station na may apat na katao na nag-check in sa isang resort.
Dahil dito, nagtungo ang grupo ni Dela Cruz sa Mulanay, Quezon at inimbitahan ang grupo ni Castro at pagdating sa kanilang presinto ay positibong itinuro umano sila at kinilala ng mga saksi sa nasabing krimen.
“There is a chilling effect (sa ginawa ng mga police). Anybody can be arrested without warrant,” ayon pa kay Palma.
Kasama sa mga inimbitahan sa nasabing pagdinig ang mga kasamahan ni Castro sa showbiz industry tulad ni Director Erik Matti, na pawang nagpahayag ng pagkagulat na isinangkot ang kanilang kasamahan sa nasabing krimen.
Gayunpaman, hindi na tinalakay sa pagdinig ang kabuuan ng kaso matapos aprubahan ng Prosecution ang pagsasampa ng destructive arson laban kay Castro kasama sina Ernesto Orcine, Noel Mariano at Dominic Ramos.
Inamin din ni Dela Cruz na bago kinasuhan ang grupo ni Castro ay kinonsulta nito ang isang prosecutor na siyang naglabas ng desisyon na iakyat ang kaso sa korte.
(BERNARD TAGUINOD)
110