Sa nakaraang isa’t kalahating taon P92.8-B INVESTMENT IBINIDA NG MANILA LGU

IBINIDA ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na may P92.8 bilyong halaga ng investments ang naisagawa sa lungsod sa loob lamang ng isa’t kalahatiing taon, siya ring haba ng kanyang panunungkulan bilang alkalde, simula noong Hunyo 2019.

Bunsod nito, nagpahayag siya ng pasasalamat sa private sector, partikular sa mga developer, sa pagpapakita ng bagong tiwala sa lokal na pamahalaan.

“May pandemya pa n’yan ha…thank you to the private sector, the developers who are now building developments, thus producing income for the city and jobs for the people and later on, new taxes which we can use for our programs,” ayon sa alkalde.

Idinagdag pa nito: “We are grateful to the private companies for trusting again in the city of Manila. We will not fail you and the trust you’ve bestowed on us. Pagbubutihan pa naming lalo ni Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan”.

Ayon pa sa alkalde, ang lahat ng negosyo ay welcome sa Maynila, at tiniyak din nito na mayroon nang katiyakan at katatagan ang pamahalaang lungsod pagdating sa usapin ng mga polisiya.

Binanggit pa ng alkalde, ayon sa ulat ni Business Permits and Licensing Office chief Levi Facundo, mayroong kabuuang 538 na bagong negosyo na nagparehistro mula Enero 1 hanggang 20, 2021.

“Thank you… alam ko mahirap magnegosyo ngayon pero nilalakasan n’yo ang loob n’yo,” dagdag pa nito.

Ayon naman kay Facundo, 3,555 na ang naproseso sa pamamagitan ng ‘online system of payment’ na ginawa ni Electronic Data Processing chief Fortune Palileo at ito ay ang www.gomanila.com na maaaring i-download sa IOS at android.

Sa pamamagitan ng online payment system, sinabi ng alkalde na hindi na mai-expose ang sinuman at mababawasan ang posibilidad na magkaroon ng COVID-19, dahil hindi na kailangan pang pumila at maghintay nang matagal. (RENE CRISOSTOMO)

73

Related posts

Leave a Comment