SASAKYAN NG 2 KOREANO NIRATRAT; 2 MALETA TINANGAY NG ARMADO

MASUSING iniimbestigahan ng mga tauhan ng Pasay City Police ang pagkatao ng dalawang Koreano na sakay ng isang Hyundai Starex makaraang pagbabarilin ng hindi kilalang mga suspek ang driver ng nasabing sasakyan at inagaw ang dalawang maleta ng dalawang dayuhan dakong alas-3:10 madaling araw nitong Sabado.

Nais ng mga awtoridad na malaman kung ano ang mahalagang nilalaman ng dalawang maleta ng mga Koreano, na tinangay ng mga suspek makaraang pagbabarilin ang puting Hyundai Starex (NBZ 8969) ng mga dayuhan na ikinasugat ng driver nito na si Resty Cervantes Jr.

Base sa report ng pulisya, galing ang dalawang Koreano at si Cervantes sa Okada Manila sa Entertainment City Parañaque nang harangin at pagbabarilin ng hindi kilalang mga suspek na sakay ng pulang Toyota Vios.

Sa sulat-kamay na salaysay ni Cervantes, mabilis na bumaba ang mga suspek mula sa sasakyan at pinagbabaril ang Hyundai Starex saka kinuha ang susi nito at tinangay ang dalawang maleta ng mga Koreano.

Si Cervantes ay nasugatan sa kaliwang balikat at basag ang bibig dahil sa mga tama ng bala mula sa hindi pa matukoy na kalibre ng baril.

Sa follow-up operation ng Pasay City investigators on case, hindi nahagip ng CCTV sa Command Center sa Maricaban, ang ang aktwal na pangyayari maliban sa pagdating at pagbaba ng dalawang Koreano mula sa Starex sa panulukan ng EDSA at Roxas Blvd. sa Brgy 76, Pasay City.

Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng IOCs sa management ng Okada Parañaque City para sa CCTV viewing ng kanilang mga camera upang malaman kung sinundan ng mga suspek ang van ng mga biktima bago ang insidente.

Nanatili namang hindi nababanggit maging ang pangalan ng dalawang Koreano. (DAVE MEDINA)

 

112

Related posts

Leave a Comment