Solusyon sa bagsak na ekonomiya JOBLESS BIGYAN NG TRABAHO

NANINIWALA si Senadora Mary Grace Poe na kailangang magkaroon ng pera ang manggagawa upang sumulong ang bagsak na ekonomiya ng bansa.

Ani Poe, mangyayari ito kung mabibigyan ng trabaho ang mga walang trabaho.

“They’ve been telling people to go out and spend to prop up the economy. But before they can spend, they need to have the money to do so,” patuloy ni Poe.

Tinuran ng senadora, kung ang mga ekonomista ng administrasyong Duterte ay naniniwala na ang paggastos ng mga mamimili ang “susi” sa pagbangon ng ekonomiya ay kailangang bigyan ng mga ekonomista ng lunas ang nasabing problema.

Kailangang mabigyan ng trabaho ang mga manggagawang walang trabaho, punto ni Poe.

“Malupit at manhid namang sabihin sa mga taong lumabas sila at gumastos kung nawalan na nga sila ng trabaho at ang mahal pa ng bilihin ngayon, lalo na ang pagkain,” birada ni Poe.

Naniniwala rin si Secretary Karlo Alexei Nograles na ang pagkakaroon ng trabaho ng mga manggagawang walang hanapbuhay, ang solusyon sa problema sa ekonomiya ng bansa.

Inihayag ni Nograles na pagtutuunan ito ng economic managers ng administrasyon.

Kamakailan, inilabas ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang ulat na umabot sa limang milyon ang mga manggagawang nawalan ng trabaho bunga ng patuloy na pananalasa ng COVID-19 sa maraming negosyo.

Malaking problema ito dahil ayon sa Employers Confederation of the Philippines (ECOP), napakaraming negosyanteng “micro” ang kategorya ng kumpanya, ang nagsipagsarado na.

Marami na ring kumpanya ng mga dayuhang kapitalista ang nagtanggal ng kanilang mga manggagawa, banggit ng Partido Manggagawa (PM).

Kaya napakalaking suliranin ang malawakang pagkawala ng trabaho ng limang milyong manggagawa.

Nangyari pa ito sa panahong patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

At dahil mabilis ang takbo ng inflation mula Oktubre 2020 hanggang ngayong Enero, patuloy ring bumababa ang halaga ng buwanang minimum na sahod ng mga manggagawa, kabilang na ang mga nagtatrabaho sa Metro Manila na siyang pinakamataas na minimum na sahod sa lahat ng mga manggagawa sa lahat ng rehiyon sa bansa.

Ayon kay Poe, bukod sa paggastos ng mamimili ay mayroon ding papel sa pagbangon ng ekonomiya ang paggastos ng pamahalaan. (NELSON S. BADILLA)

93

Related posts

Leave a Comment