(NI SAMANTHA MENDOZA)
ISASARA ang ilang kalsada at magkakaroon ng traffic rerouting ang Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) sa panahon ng mga aktibidad para sa pista ng Poon ng Itim na Nazareno sa Enero 9 sa Maynila.
Nabatid sa abiso ng MDTEU, sa Lunes, Enero 7, isasagawa ang pagbabasbas at prusisyon para sa mga replica ng Nazareno, sisimulan ang pagsasara ng ilang kalsada. Nalaman na mula alas 11 ng umaga ay isasara ang southbound lane ng Quezon Boulevard (Quiapo), mula A. Mendoza/Fugoso hanggang Plaza Miranda, at ang westbound lane ng España Boulevard mula P. Campa hanggang Lerma Street. Gayundin, magkakaroon ng traffic rerouting para sa nasabing araw ang MDTEU. Nabatid na ang lahat ng sasakyang mula sa España Boulevard na nais magtungo sa Roxas Blvd./South Pier Zone/Taft Ave. ay dapat na kumanan sa P. Campa, diretso sa Fugoso Street, patungo sa kanilang destinasyon habang ang mga sasakyan namang nais na dumaan sa Quezon Boulevard, mula sa A. Mendoza Street, ay dapat na kumanan sa Fugoso, kaliwa sa Rizal Avenue patungo sa kanilang destinasyon.
Sa bisperas ng pista ng Quiapo, sisimulan ang pagdaraos ng vigil o “pahalik” sa imahe ng Itim na Nazareno, ay magkakaroon rin ng road closures at traffic rerouting. Alas 5 ng madaling araw ay isasarado na rin ang Katigbak Drive, South Drive at Independence Road. Ang mga sasakyan naman na mula sa Bonifacio Drive at P. Burgos, na nais na dumaan sa Independence Road, ay dapat na dumiretso sa Roxas Boulevard patungo sa kanilang destinasyon.
Habang ang mga sasakyan naman na magmumula sa Roxas Boulevard at TM Kalaw, na nais dumaan ng Independence Road, ay dapat na dumiretso sa Roxas Boulevard patungo sa destinasyon at ang mga sasakyang patungo ng Manila Hotel at H2O Hotel ay may one lane-access sa Katigbak Drive Sa preparasyon naman sa Traslacion, mula alas 10 ng gabi ay Isasarado rin ang mga kalsada sa Katigbak Drive at South Drive, pero lalagyan ng isang one lane-access patungong Manila Hotel at H2O Hotel; northbound lane ng Quezon at McArthur Bridge mula Bonifacio Shrine, at Taft Avenue mula Ayala Boulevard hanggang Bonifacio Shrine.
Nalaman na sa araw naman ng Traslacion sa Miyerkules, Enero 9, ganap na alas 12 ng madaling araw ay sisimulan na ring isara sa daloy ng trapiko, ang kahabaan ng Mc Arthur, Jones at Quezon Bridge; Roxas Boulevard mula Katigbak Drive hanggang TM Kalaw Street; magkabilang linya ng Quezon Boulevard (Quiapo), mula A. Mendoza/Fugoso St. at España Ave / P. Campa St. para sa southbound at mula Taft Avenue/Ayala Blvd para sa northbound. Inabisuhan ng MDTEU ang mga motorista na kung wala namang importanteng gagawin sa mga lugar na apektado ng Traslacion ay mas makabubuting ipagpaliban na lamang muna ang kanilang lakad. Gayunman , kung talagang hindi maiiwasan ay maghanap na lamang ng alternatibong ruta patungo sa kani-kanilang destinasyon. (PHOTO BY: MYKE ROME)
153