KINATIGAN ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) ang isinusulong na panukalang batas hinggil sa peligrong dulot ng mga kalamidad gaya ng bagyo, baha at mga landslide.
Ito ang dahilan kaya nanawagan sa mga mambabatas ang operating arm ng NDRRMC na Office of Civil Defense (OCD) na agarang isabatas ang Senate Bill 2999, na layong pahintulutan ang pagdeklara ng “state of imminent disaster” bago pa man tumama ang sakuna sa bansa.
Nabatid na lubhang lantad ang Pilipinas sa mga kalamidad kada taon kaya may kinakaharap itong humigit sa 20 bagyo na tumatama sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kadikit nito ang mga malawakang pagbaha, landslide at storm surge. Nito lamang nakalipas na taon umaabot sa P20 billion pesos ang naitalang danyos ng pinsalang idinulot ng mga bagyo na nakaapekto sa buhay ng milyun-milyong Pilipino.
Ayon kay OCD chief Undersecretary Ariel Nepomuceno, lubhang napapanahon na para maging maagap ang pagtugon sa mga kalamidad sa halip na laging nahuhuli ang aksyon umano pagdating sa mga sakuna.
Matatandaan na ang panukala ay inihain ni Senador Jinggoy Estrada at suportado rin ng NDRRMC, na kung saan layon nitong gamitin ang mga datos at babala upang makapaghanda ang mga komunidad.
“The bill aims to fill a gap in our disaster protocols by allowing authorities to declare a ‘state of imminent disaster’—a proactive move based on scientific forecasts that can trigger early action. The approach is already supported by the National Disaster Risk Reduction and Management Council and aligns with regional practices, including those of ASEAN,” pinaliwanag ni Estrada.
Sa ilalim ng panukala, 70 porsyento ng disaster funds ay ilalaan sa mga hakbang na maaaring gawin bago pa ang isang kalamidad. Layunin din ng batas na mas mapabuti ang koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan sa pagtugon sa sakuna.
(JESSE KABEL RUIZ)
