HINAMON ng kampo ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang mga kaalyado ni Marinduque Rep. Lord Alan Velasco na may mga committee chairmanship at posisyon sa Kamara na mag-resign kung hindi maatim ng mga ito ang liderato ng kinatawan ng Taguig-Pateros.
Ginawa ni Capiz Rep. Fred Castro ang hamon sa kanyang privilege speech kahapon lalo na’t ipinamumukha umano ng mga kaalyado ni Velasco ang salitang palabra de honor kay Cayetano gayung nag-resign naman aniya ito subalit hindi tinanggap ng 184 congressmen.
“For those who cannot or will not join us in this task – I have one simple request – at dahil mahilig din naman kayo mag-invoke ng palabra de honor, panindigan na ninyo. Resign your leadership positions and let those who are willing to help takeover,” ani Castro.
Hindi na sinabi ng mambabatas kung sino-sino ang mga kaalyado ni Velasco na may posisyon at chairmanship sa Kamara subalit hindi lingid sa kaalaman ng lahat ng kabilang dito sina Deputy Speakers Johnny Pimentel at Aurelio “Dong” Gonzales at AAMBIS OWA party-list Rep. Sharon Garin na chairperson ng House committee on economic affairs, Quezon Rep. Mark Enverga, chairman ng House committee on agriculture at iba pa.
Bukod sa Deputy Speakership at committee chairmanship position ay marami ring kaalyado si Velasco na binigyan ng vice chairmanship sa iba’t ibang komite tulad ni PBA party-list Rep. Jericho Nograles.
Hindi pa sumagot si Garin sa hamong ito ni Castro subalit sa isang TV interview sinabi nito na ipadedeklara ng kampo ni Velasco ang 15-21 agreement sa Oktubre 14 at ipababakante ang House Speaker seat. (BERNARD TAGUINOD)
First casualty
Kaugnay nito, sinimulan ng kampo ni Cayetano ang pagtatanggal sa mga kaalyado ni Velasco na may matataas na posisyon sa Kongreso kung saan mistulang unang ‘casualty” ang presidente ng Party-List Coalition na si 1-Pacman party-list Rep. Mikee Romero.
Wala pang pahayag si Romero sa pagtanggal sa kanya bilang House deputy speaker kung saan pinalitan siya ni Castro subalit pinalagan ito nina Nograles at Garin.
“Removing Mikee as deputy speaker, who is our president, no less, is an affront to our coalition and an insult to everything we have worked for as a bloc,” ani Garin.
“The removal of Deputy Speaker Mikee Romero is an affront against the Party-list Coalition. I shall withhold any further statements regarding this matter in deference to the coalition,” ayon naman kay Nograles. (BERNARD TAGUINOD)
70