MGA HINDI NAKATUTULONG, MANAHIMIK NA LANG

DPA

HINDI ko masisisi ang Malacanang na mainis kay Sen. Leila De Lima kaya ipinapa-lockdown nila ang bunganga ng senadora dahil batikos nang batikos pero wala naman yatang naitutulong sa giyera kontra sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Oo nga naman, sana manalangin na lang si De Lima sa loob ng kulungan para mawala na ang virus na ito at makabalik na ang mga Filipino sa kanilang dating normal na pamumuhay.

Very updated si De Lima sa mga mangyayari sa labas at lahat ng kilos ng gobyerno ay kaniyang pinupuna at binabatikos pero wala naman yatang ginagawa ang kanyang tanggapan para tumulong sa mga apektadong mamamayan sa enhanced community quarantine (ECQ). Okay lang sana bumatikos kung may ginagawa naman.

Kahit nakakulong ang senadora, tuloy ang operasyon ng kanyang tanggapan dahil hindi naman nakulong ang pondo para sa kanyang opisina pero wala tayong naririnig at nababalitaan na nagsasagawa sila ng relief operation.

May mangilan-ngilang senador ang nagsasagawa ng relief operations at kahit siguro nakakulong si De Lima ay puwede niyang atasan ang kanyang mga tauhan na tumulong sa mga higit na nangangailangan.

Pero kung wala siyang naitutulong, tumahimik na lang muna siya sa kanyang kulungan at hayaan ang mga opisyales gobyerno na gawin ang nararapat para tulungan ang mamamayan habang ipinatutupad ang quarantine.

May kasabihan tayo na kapag maingay ang isang lata, walang laman pero tahimik kapag punong punong ng laman.

Oo nga pala, anong nangyari  sa ibang senador na masyadong magastos kapag panahon ng eleksyon dahil sa mga election materials na ginagamit nila sa kanilang kampanya sa buong bansa?

Eto na ang pagkakataon na ipakita nila ang kanilang malasakit.  Hindi lang sa mga piling lugar kundi sa buong bansa na kanilang pinapasyalan kapag sila ay kumakandidato at nangangampanya.

Kung kaya nilang gumastos ng daan-daang milyon sa tv ads at logistics, siguro kaya din nilang gastusan ang mga pangangailangan ng  sambayanang Filipino mamamayan kahit isang araw na pagkain ngayong panahon ng krisis.

Hangang-hanga naman ako sa mga grupong tahimik na tumutulong sa ating mga kababayan at ­frontliners na nanganganib lagi ang buhay dahil sa pagganap sa kanilang tungkulin.

Maraming grupo na hindi nagpapa-media at tahimik na tumutulong para maghatid ng ayuda sa mga healthcare workers, hindi lamang sa mga government hospital kundi sa mga pribadong pagamutan.

Napakalaking tulong ang mga ganitong grupo para maproteksyunan ang frontliners na isinusugal ang sariling kaligtasan para magamot ang mga pasyente ng COVID-19.

Hindi ipingangalandakan ng mga grupong ito ang kanilang naitutulong ­kumpara sa ibang ­indibiduwal at ­organisasyon o foundation na bawal kibot nila ay inilalabas sa media. BERNARD TAGUINOD

257

Related posts

Leave a Comment