MGA PAMILYANG MAHIHIRAP PERO BUKAL SA PUSO ANG PAGDAMAY

Badilla Ngayon

NAKAAANTIG ng damdamin ang ginawa ng mga pamilyang pinakamahihirap sa isang barangay sa bayan ng Peñarrubia sa Abra, sapagkat bagaman iniaasa lamang  nila sa Department Social Welfare and Development (DSWD) ang buwanang pambili ng mga pangangailangan ay sila pang tumulong sa kapwa nila mahihirap.

Nabasa ko kahapon sa online edition ng isang pahayagan na ang mga pamilyang nakaratira sa labingsiyam na kabahayang nakikinabang ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Barangay Patiao ay nagkaisa at nagkusang bawasan ang natanggap nilang pera mula sa DSWD kung saan tinulungan nila ang kapareho nilang hirap sa buhay ngayong umiiral ang “enhanced community quarantine” (ECQ) sa Luzon hanggang Abril 30.

Ang 30 pamilyang tinulungan ng mga ­pamilyang kasapi ng 4Ps ay hindi kasapi ng nasabing ­programa ng pamahalaan.

Ang pagkakaisa ng mga pinakamahihirap na pamilyang nakatala sa 4Ps ay nakalikom ng P2,800 kung saan nakabili sila ng bagoong, mantika, vetsin, asukal, kape at biscuits na siyang ibinigay nila sa 30 pamilyang naninirahan sa Sitio Lam-ag at Sitio Matit.

Ang natanggap ng mga pinakamahihirap na pamilya mula sa DSWD ay bahagi ng P200 bilyong badyet ng administrasyong DuterVisit Sitete sa Social Amelioration Program (SAP) ngayong pineperwisyo ng coronavirus ­disease 2019 (COVID–19) ang ­maraming bahagi ng bansa.

Hindi tinukoy sa balita ang halaga ng perang natanggap ng mga kasapi ng 4Ps.

Alamin natin. Sakop ng Cordillera Administrative Region (CAR) ang Abra.

Dahil P350 ang minimum na sahod kada araw sa CAR, P5,500 kada buwan ang dapat na matanggap ng bawat pamilyang kasapi ng 4Ps at maging ang mga mahihirap na pamilyang hindi kasapi ng 4Ps alinsunod sa nakasaad at ipinag-uutos ng bagong batas na “Bayanihan to Heal as One”.

Naibigay man o hindi ng DSWD ang P5,500 sa bawat pamilyang ­naninirahan sa 19 na kabahayang kasapi ng 4Ps sa Brgy. ­Patiao, ang punto ng ­Badilla Ngayon ay ang ipinamalas na pagmamalasakit ng mga pinakamahihirap na pamilya sa ­kaparehas nilang mahihirap.

Ang Peñarrubia na mayroong 6,640 katao ang populasyon ay isang napakahirap na bayan.

Kung isinama ng DSWD ang lahat ng mga mahihirap na pamilya sa Brgy. Patiao sa P5,500 mula sa SAP, hindi na sana binawasan ng mga ­pamilyang kasapi ng 4Ps ang natanggap nilang pera mula sa pamahalaan, sapagkat hirap din sila sa buhay.

Sana, balikan ng mga tauhan ng DSWD ang Brgy. Patio upang bigyan din ng tig-P5,500 para sa Abril ang bawat isang pamilya mula sa 30 pamilyang tinulungan ng mga pamilyang kasapi ng 4Ps.
Iba pa iyong nakalaan sa Mayo.

Ulitin ko lang na 18 ­milyong pamilyang mahihirap ang itinakda sa ­Bayanihan Heal as One Act na makatatanggap ng P5,000 hanggang P8,000 sa Abril at sa Mayo.

Sa kompyutasyon ko, kayang bigyan ang bawat pamilya sa 18 milyon kahit P8,000 pa kada isang pamilya kada buwan sa loob ng dalawang buwan.

Ang kabuuang bilang na ilalabas ng administrasyong Duterte para diyan ay P288 bilyon.

Ang inilaaan ng ­Bayanihan to Heal as One Act ay P275 bilyon.

Ang kulang na P13 ­bilyon ay maaaring kunin sa P17 bilyong pondo ng Department of Transportation (DOTr) na hindi magagamit sa mga proyekto nito para ngayong taon dahil sa COVID-19.

Maaari ring kumuha sa P10 bilyong intelligence fund ng Office of the President (OP) at iba pang kagawarang napakaraming pera tulad ng Department of Public Works and Highway (DSWD). NELSON BADILLA

 

204

Related posts

Leave a Comment