MGA PIITAN SA CALABARZON PINAKAGRABENG KONDISYON

SA 474 na piitan sa iba’t ibang panig ng bansa, pinakamalala ang kondisyon ng mga bilanggo sa mga bayan ng San Mateo sa Rizal at Dasmariñas City sa lalawigan ng Cavite.

Sa ulat-pagsusuri ng Commission on Audit (COA) sa 474 pasilidad sa ilalim ng pangangasiwa ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), lumalabas na pumalo sa 2,696% ang congestion rate ng piitan sa San Mateo habang nasa 2,283% naman sa Dasmariñas.

Ayon pa sa COA, sa sobrang sikip ng bilangguan sa San Mateo, 28 katao ang nagsisiksikan para sa espasyong para lamang sa isa, habang 24 detainees naman ang pilit pinagkakasya sa higaan para sa isang tao.

Sa kabuuang bilang ng bilangguan sa iba’t ibang panig ng kapuluan, 337 anila ang bagsak sa pamantayan ng makataong piitan, batay na rin sa United Nations Minimum Health Standard Rules for the Treatment of Prisoners na  nagtatakda ng sapat na espasyo, ventilation at mga pasilidad na angkop para tiyaking makatao pa rin ang kondisyon ng mga “bakasyonista.”

Kung pagbabatayan ang BJMP Manual on Habitat, Water, Sanitation, and Kitchen in Jails, dalawang inmate ang inirerekomendang maghati sa senldang may sukat na 4.7 metro kwadrado, at may isang palikuran, at lababo.

Sa pinakahuling datos na nakalap ng COA noong Disyembre ng nakalipas na taon, aabot sa 125,347 persons deprived of liberty (PDL) ang pinagkakasya sa mga bilangguang sapat lamang para sa 43,133 inmates.

Problema rin anila ang mabagal na pag-usad ng mga pagdinig ng mga kinakaharap sa kaso sa husgado. Katunayan anila, 90% ng mga nakakulong ay hindi pa binabasahan ng sentensya, bukod pa libo-libong hindi pa umano nakatuntong sa korte para sa kani-kanilang arraignment.

 

“Congestion in jails leads not only to health and sanitation problems but also to increased gang affiliation of inmates. To sustain survival, inmates hold on to gangs …where they find protection, network of social support, and most importantly, access to material benefits,” ayon sa ulat ng COA. (ENOCK ECHAGUE)

237

Related posts

Leave a Comment