HINDI na tumatanggap ng vaccine orders para sa “first wave procurement” ang Moderna at AstraZeneca.Sinabi ni Vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, Martes ng gabi na ang tinatanggap na lamang ng Moderna at AstraZeneca ay iyong vaccine orders para sa “second wave procurement.”
“Ibig sabihin, ibang produkto na ‘yon. Either it’s a booster or a new product na second generation vaccine, hindi ‘yong first generation vaccine,” ani Galvez.
Hinihintay pa rin naman ng pamahalaan ang presentasyon ng dalawang vaccine brands bago pa umorder.
Sa kabilang dako, nauna ng sinabi ng National Task Force Against COVID-19 na naka-hold ang tripartite agreements para makakuha ng COVID-19 vaccines bunsod ng nag-uumapaw na orders sa international drug manufacturers.
Ayon naman kay NTF spokesman Restituto Padilla. hindi pa handa ang vaccine makers na tumanggap ng bagong kasunduan kahit pa ang Vaccination Program Act of 2021 ay naglalayong payagan ang local government units na bumili ng bakuna sa pamamagitan ng multi-party agreements. (CHRISTIAN DALE)
149 