Motibo ni Duterte sa pagtakbong VP BAYAN O SARILI?

(BERNARD TAGUINOD)

MALINAW para kay Rep. Manuel Cabochan III ng Magdalo party-list na hindi ang kapakanan ng bayan ang dahilan kung bakit tatakbo si Pangulong Rodrigo Duterte bilang bise presidente kundi para lang ito sa kanyang sariling proteksyon.

“Bayan nga ba o sarili? Kung immunity ang habol, walang pagmamahal sa bayan o malasakit sa mamamayan dun. Malinaw na pansariling interes lang ang dahilan kung bakit tatakbo sa pagka-bise presidente si Duterte. In his own words, he is merely going to use the office for immunity. He made it clear, there is his fear to face the consequences of his actions,” ani Cabochan.

“Tila nawawala ang tapang ‘pag accountability na ang usapan. Naging biktima ang buong Pilipinas sa pagmamalabis, drama, at pambobola mo, kaya naniniwala ako na hindi na ito papayagang muli ng mga Pilipino. At kung malusutan mo man ang batas ng tao, hindi ka makalalampas sa batas ng Diyos namin na tinawag mong istupido. Nga pala, Mr. Duterte, walang immunity ang bise-presidente,” dagdag pa ng mambabatas.

‘Tatrabahuhin’ ang presidency

Naniniwala naman ang iba pang mambabatas na hindi pag-iwas sa mga kaso ang pangunahing dahilan ni Pangulong Duterte kung bakit ito tatakbo bilang bise presidente kundi para maging pangulo ulit ito kapag “trinabaho” ang mahahalal na pangulo at mapilitan itong bakantehin ang presidential seat.

Ito ang opinyon ni Albay Rep. Edcel Lagman matapos kumpirmahin ni Duterte sa national assembly ng PDP-Laban noong Sabado na tatakbo ito bilang pangalawang pangulo sa 2022 upang makaiwas sa mga kaso lalo na sa International Criminal Court (ICC).

“Considering that only the president is immune from lawsuits, a legal verity which President Rodrigo Duterte fully knows, then his pretext of running for vice president to enjoy “immunity”, spills the beans on his real intention to become successor-president the moment the office of the elected president in 2022 is vacated by design or fortuitous event,” ani Lagman.

Ayon sa mambabatas, marami nang judicial pronouncements na maaaring kasuhan ang bise presidente kahit nakaupo ito at lalong wala siyang makukuhang immunity sa ICC dahil iniimbestigahan na ito sa mga patayan sa Pilipinas bago kumalas sa Rome statute.

Ganito rin ang pahayag ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate at inihalimbawa si dating Vice President Jejomar Binay na kinasuhan sa Sandiganbayan kahit nasa pwesto.

“Just as I said before, a vice president is not immune from suit. Remember VP Binay was sued before for alleged graft. He is impeachable but not immune from suit. Even the President, under the Rome Statute of the ICC is not immune from suit,” ani Zarate.

Nagkaisa ang mga ito na malalabag ang Saligang Batas na nagsasabing isang termino lang ang pangulo ng Pilipinas kapag nanalo si Duterte at mag-take over sa presidential seat kapag natanggal o namatay ang mahahalal na pangulo sa 2022.

Ayon naman kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, napatunayan na hindi talaga matapang si Duterte tulad ng ipinangangalandakan nito dahil gusto niyang takasan ang kanyang pananagutan sa bayan.

“President Duterte is suffering from malignant fear from prosecution in his desperate vice presidential bid – even as such move will not exempt him from suits. Duwag na nga itong si Pangulong Duterte sa pagpapanagot, ulyanin pa sa kung anong nakasaad sa batas hinggil sa konsepto ng immunity,” ani Brosas.

Dahil dito, umapela ang lady solon sa sambayanang Filipino na biguin si Duterte sa kanyang vice presidential bid upang mapanagot ito, hindi lamang sa pagpatay sa mga taong hindi binigyan ng due process at pagtalikod sa kanyang tungkulin na ipagtanggol ang soberanya ng bansa sa ngalan ng personal na pakikipagkaibigan sa China.

142

Related posts

Leave a Comment