MURDER VS ANTIPOLO ROAD RAGE SUSPECT

IAAKYAT na sa murder ang kasong isasampa laban sa suspek sa nangyaring pamamaril sa Antipolo noong umaga ng Marso 31, 2025,

na ikinamatay ng isa at ikinasugat ng tatlo pang biktima kabilang na ang live-in partner nito.

Ayon kay Antipolo City chief of police, PLt. Col. Ryan Manongdo, ikinamatay ng biktimang si alyas “Peter” ang mga tama ng bala sa katawan at ulo nito matapos pagbabarilin ng suspek na si alyas “Kenneth.”

Sinabi pa ni Manongdo, ang 28-anyos na suspek ay mahaharap sa kasong murder, 2 counts ng frustrated murder at paglabag sa Omnibus Election Code dahil sa kawalan ng Comelec exemption sa dala nitong baril.

Batay sa naglabasang viral video, makikita na may mga motorista at sasakyang muntikan nang masagi ng suspek habang binagtas nito ang Marcos Highway sa Antipolo City.

Sa panayam ng media, sinabi ng suspek na kaya siya nagmamadali ay upang hindi siya umano maiwan ng sinusundan nitong convoy.

Hinabol ng mga motorcycle rider ang suspek hanggang sa nagpang-abot ang mga ito sa Sitio Calumpang, Brgy. San Jose sa nasabing lungsod.

Napilitan umano ang suspek na gamitin ang kanyang baril at paputukan ang mga biktima dahil bukod sa kinuyog siya ng tatlong rider, may balak din umanong bumunot ng baril ang napatay na biktima, bagay na pinasinungalingan ng anak nito.

Sinabi ng anak ng biktima na walang baril ang tatay niya kaya mali umano ang suspek nang sabihin nito na bubunot ang tatay niya. Walang habas aniya itong namaril na ikinasugat ng apat na biktima kabilang na ang live-in partner ng suspek.

Matapos ang insidente, agad isinakay ng suspek sa minamaneho nitong Toyota Fortuner ang live-in partner na binuhat nito matapos bumulagta.

Pagsapit sa border checkpoint sa Masinag area ng Brgy Mayamot, Antipolo City, nakorner ng mga awtoridad ang sasakyan at napasuko ang suspek sa isinagawang dragnet operations, batay sa natanggap na mga tawag sa telepono kaugnay sa insidente ng pamamaril.

Kasama si PNP chief, General Rommel Marbil, PBGen. Kenneth Lucas, ang regional director ng Region 4-A PNP, at provincial director ng Rizal PNP na si PCol. Felipe Maraggun, pinarangalan ang walong pulis ng Antipolo PNP sa mabilis na pagkakahuli kay alyas “Keneth.”

(NEP CASTILLO)

51

Related posts

Leave a Comment