PINASALAMATAN ng AKO-OFW Party-list ang United Arab Emirates government kaugnay sa ibinigay na royal clemency sa 115 Pilipino sa UAE kasabay ng pagtatapos ng Ramadan at pagdiriwang ng Eid Al-Fitr.
Ayon kay 1st nominee at AKO-OFW chairman Dr. Chie Umandap, lubos siyang nagpapasalamat kay President of the UAE Highness Sheikh Mohammed bin Zayed Al Nahyan dahil patunay lamang ito na malakas at matatag ang ugnayan ng pagkakaibigan at pagtutulungan ng Pilipinas at UAE.
Ani Umandap, taos-pusong ipinagmamalaki nito ang pamumuno at gobyerno ng UAE sa kanilang kagandahang-loob at pagpapahalaga sa mga Pinoy worker habang ipinagdiriwang ang banal na buwan ng Ramadan.
Samantala, ang Embahada naman ng Pilipinas sa UAE at Konsulado ay handang magbigay ng kinakailangang tulong upang mapabilis ang ligtas na pagbabalik ng mga nabigyan ng naturang pardon.
