GINAMITAN ng heavy equipment para maalis ang makapal na putik at abo na tumakip sa mga kalsada sa ilang barangay sa bayan ng Agoncillo.
MISTULANG naglaho ang mga kalsada sa ilang barangay sa Agoncillo, Batangas nang matakpan ng putik at abo galing sa bulkan dahil sa malalakas na pag-ulan noong Biyernes hanggang Sabado ng madaling araw.
Ayon sa MDRRMO ng Agoncillo, nagkaroon ng makakapal na soil deposits sa Agoncillo-Laurel Circumferential Road dahil sa mga landslide at mudslide na tinangay ng mga baha patungo sa mga kalsada.
Ayon pa sa MDRRMO, dahil sa walang tigil na pag-ulan, lumambot ang mga lupa at tumigas na abo na ibinuga ng Taal volcano noong sumabog ito noong 2020 na natambak sa mataas na lugar.
Kabilang sa mga apektadong lugar ang mga Barangay ng Subic Ilaya, Barangay Panghulan, Bilinbiwang at San Jacinto na siya ring mga barangay na grabeng pininsala ng pagsabog noon ng Bulkang Taal.
Kaagad namang nagtulong-tulong ang Municipal Engineering Office at mga opisyal ng Barangay para matanggal ang mga natambak na putik. (NILOU DEL CARMEN)
(Courtesy: Agoncillo, MDRRMO)
