Nang-umit sa supermarket KAHERA, KASABWAT NA LOLA TIMBOG

ARESTADO ang isang 22-anyos na kahera at kasabwat umano nitong isang 66-anyos na lola makaraang mabuking ang tangkang ipuslit na dalawang kahon ng grocery items mula sa isang supermarket sa Malate, Manila noong Linggo ng hapon.

Nahaharap sa kasong qualified theft si alyas Maymay, at ang vendor na si Lola Marian, kapwa residente sa Baseco Compound, Port Area, Manila.

Batay sa ulat ng Manila Police District-Station 9, bandang alas-3:30 ng hapon nang mangyari ang insidente sa isang supermarket sa Adriatico St., sa Malate.

Ayon sa ulat ng pulisya, nagkunwari ang kaherang si Maymay na parukyano si Lola Marian.

Iniabot nito kay Lola Marian ang kunwari ay pinamili na dalawang kahon ng grocery items na P3,089.79 ang halaga ngunit ilan lamang sa mga laman nito ang binayaran ng matanda.

Ngunit nang dumaan sa supervisor ay nadiskubreng kulang ang halagang nakalagay sa resibo kaya pinigil si Lola Marian.

Agad dinala sa opisina ng security guard ang dalawa at sa isinagawang imbestigasyon ay lumitaw na mag-lola sina Maymay at Lola Marian.

Makaraang isailalim sa medical examination sa pagamutan ay dinala sa himpilan ng pulisya ang mga suspek. (RENE CRISOSTOMO)

156

Related posts

Leave a Comment