Nasagasaan tinakbuhan 2 TRAFFIC ENFORCER, TIMBOG

CAVITE – Natunton ang kinaroonan ng dalawang traffic enforcer na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto makaraang takbuhan ang kanilang nasagasaan sa Bacoor City sa lalawigang ito, noong Sabado ng gabi.

Kasong paglabag sa RA 4136 (Land Transportation and Traffic Code) at PD 1829 (Obstruction of Justice) ang kinahaharap ng mga suspek na sina Arabelle Sugnan y Yringan, at Abel Sugnan y Yringan, kapwa traffic enforcer.

Ayon sa ulat ng Bacoor City Police, alas-12:05 ng gabi noong Sabado nang mangyari ang insidente sa Zapote Road, Brgy. Zapote 1, Bacoor City.

Bumaba umano mula sa isang pampasaherong jeepney ang biktimang si Rizza Dalaguit y Pineda, nasa hustong edad, at tatawid nang mabangga ng itim na motorsiklong walang plaka na minamaneho ni Arabelle.

Ngunit imbes na tulungan ng mga suspek ay iniwan nila ang biktima at pinasibad ang kanilang motorsiklo.

Sa tulong ng mga miyembro ng BDRRMO, inasistehan ang biktima at nilapatan ng lunas saka dinala sa Barangay Hall ng Zapote 1.

Sa isinagawang follow-up operation ay nadakip ang mga suspek ng mga kapwa nila traffic enforcer at mga barangay tanod. (SIGFRED ADSUARA)

274

Related posts

Leave a Comment