13TH,14TH MONTH PAY SA SSS, GSIS PENSIONER, IGINIIT

bonus12

(NI BERNARD TAGUINOD)

BUKOD sa buwanang pensyon ng mga miyembro ng Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS) ay makatatanggap na rin ang mga ito ng 13th at 14th month pay bilang bonus mula sa kanilang kontribusyon sa mga nabanggit na insurance fund.

Ito ang nakapaloob sa House 1096 na iniakda ni Kabayan party-list Rep. Ron Salo upang higit na matulungan umano ang mga retirees, hindi lamang sa mga government service kundi sa pribadong sektor.

Ang mga SSS members ay mga nagtatrabaho sa pribadong sektor habang nagsilbi naman sa mga ahensya ng gobyerno ang mga kasapi ng GSIS.

Ayon kay Salo, bagama’t buwanan ang pensyon ng mga retiradong miyembro ng SSS at GSIS, hindi pa rin umano sapat ito sa kanilang mga pangangailangan lalo na sa mga gamot.

Dahil dito, kailangan aniyang tulungan pa ang mga retirees na ito bilang  pagtanaw ng utang na loob ng estado sa kanilang kontribusyon sa pag-unlad ng bansa at ekonomiya sa pamamagitan ng buwis na kanilang ibinayad noong aktibo pa ang mga ito sa kani-kanilang trabaho.

“It is therefore proposed that both the GSIS and SSS shall include a 13th and 14th month pay benefits for all its members,” ani Salo na naniniwalang malaki ang maitutulong nito sa mga pangangailangan ng mga retirees na pawang mga senior citizens na.

Kapag naapruhan at naging batas, ibibigay ang 13th month pay sa mga retirees bago matapos ang buwan ng Mayo habang ang 14th month pay sa katapusan ng buwan ng Nobyembre upang magamit ng mga ito sa panahon ng Kapaskuhan sa Disyembre.

Ang halaga ng 13th at 14th months na matatanggap ng mga retirees ay katumbas ng kanilang buwanang pensyon na natatangap ng mga ito  sa SSS at GSIS.

206

Related posts

Leave a Comment