(NI KEVIN COLLANTES)
MULING magpapatupad ng power interruption ang Manila Electric Company (Meralco) sa ilang lugar sa Luzon na kanilang pinagseserbisyuhan.
Sa inilabas na maintenance schedule ng Meralco, nabatid na ang pansamantalang pagkawala ng suplay ng kuryente ay ipinatupad simula nitong Lunes, Mayo 6, at magtatagal hanggang bukas, Mayo 8.
Dulot anila ito ng iba’t ibang maintenance works na kanilang isinasagawa at kabilang sa maaapektuhan nito ay ang Maynila at Valenzuela sa Metro Manila; at mga kalapit na lalawigan ng Rizal, Bulacan, Cavite, at Laguna.
Ayon sa Meralco, apektado ng power interruption nitong Lunes, Mayo 6, ang Liliw, Nagcarlan, Rizal, Magdalena at Majayjay sa Laguna dahil sa maintenance works sa loob ng Meralco – Botocan substation.
Magkakaroon ng pagpapalit ng poste sa Pila town proper sa Pila, Laguna, habang apektado rin ang Angono at Taytay, Rizal dahil sa line maintenance works sa may Barangay Muzon, Taytay, ngayong Martes, Mayo 7.
Samantala, simula naman Martes hanggang Miyerkoles ay mayroong power interruption sa Binondo, Maynila dahil sa pagkukumpuni at relokasyon ng mga pasilidad sa Muelle del Banco Nacional Street, may line reconductoring works naman sa Taytay-Angono National Road sa Barangay San Juan, sa naturan ding mga petsa.
Sa Miyerkoles naman, Mayo 8, apektado ng pansamantalang pagkawala ng kuryente ang Lawang Bato sa Valenzuela City, dahil sa pag-install ng mga pasilidad sa North Luzon Expressway (NLEX) – East Service Road, habang sa Angat, Bulacan naman ay magkakaroon rin ng power interruption bukas, dahil sa pagpapalit ng mga poste, line reconductoring works at pag-install ng mga pasilidad sa Barangay Pulong Yantok.
Sa General Trias, Cavite naman ay may line reconstruction work sa Camella Tierra Nevada Phase 1 Subdivision sa Barangay San Francisco, sa Mayo 8, habang ia-upgrade naman ang mga pasilidad sa Marawi Street, sa Biñan, Laguna.
Humihingi naman ng paumanhin ang Meralco sa mga kostumer nilang apektado ng naturang maintenance works, na ang layunin anila ay upang higit pang mapagbuti ang pagbibigay nila ng serbisyo.
261