(NI BERNARD TAGUINOD)
MANININGIL ang may 36 milyong manggagawang Filipino sa darating na eleksyon dahil tatlong taon na umano ang nakakalipas ay hindi pa tinutupad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang magandang buhay para sa mga ito.
Ito ang tiniyak ni Anakpawis party-list Rep. Ariel Casilao sa gitna ng paggunita sa Araw ng Panggawa o Labor Day sa Miyerkoles, Mayo 1.
“Tiyak na maniningil ang mga manggagawa sa buong bansa sa mga bigong pangako ng Duterte administration. Thirty six (36) million workforce ang maniningil,” pahayag ni Casilao.
Napako aniya ang pangako ng gobyerno na tatapusin na nito ang Endo o End of Contract scheme na ipinapatupad ng mga malalaking negosyo upang makaiwas ang mga ito sa kanilang dagdag na obligasyon sa mga obrero.
Kasama din umano sa mga pangakong hindi tinupad ng Pangulo ay tanggalin ang provincial rates sa sahod kung saan tanging ang mga manggagawa sa Metro Manila ang may minimum salary na P537 kada araw habang mas mababa naman sa ibang rehiyon.
“Sa ilalim ng kasalukuyang rehimen tumindi rin ang atake sa karapatan sa pag oorganisa sa hanay ng labor,” ani Casilao kaya maniningil ang umano ang mga ito sa Mayo 13, o sa araw ng halalan.
Ang nasabing bilang ng mga manggagawa ay mahigit kalahati sa 60 milyong rehistradong botante ngayong mid-term election kaya mararamdaman umano ng administrasyon ang ngingit ng mga ito pagdating ng mga ito sa presinto para bumoto.
1.35 MILLION MADARAGDAG SA WORKFORCE
Samantala, madaragdan ulit ngayong taon ang mga working forces ng 1,350,000 dahil sa mga nagsipagtapos sa senior high school at kolehiyo na tiyak na maghahanap ng trabaho.
Dahil dito, iminungkahi ni Rep. Salvador Belaro Jr., sa Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) na alalayan ang mga bagong miyembro ng working forces sa paghahanap ng trabaho.
“DepEd and CHED should make the school-to-work and school-to-entrepreneurship transition easier for the graduates by having job fairs in every senior high school and colleges, as well as having the graduates’ jobs application portal fully operational,” anang mambabatas.
149