(NI NOEL ABUEL)
MINAMADALI na ng Senado ang pagpasa sa joint resolution na nag-aatas sa anim na ahensya ng pamahalaan at sa mga local government units (LGUs) na tumulong sa magsasaka sa pamamagitan ng pagbili ng bigas.
Nakasaad sa Joint Resolution 8 na inoobliga ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of National Defense (DND), Department of Transportation (DOTr), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at LGUs na makipag-ugnayan sa National Food Authority (NFA) upang bumili sa mga local farmers sa kanilang Rice Subsidy Program.
Sinabi ni Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan na malaki ang maitutulong ng mga naturang ahensya ng pamahalaan sa epekto ng pagdagsa ng imported na bigas dahil sa Rice Tariffication Law.
“While we support the effort to have agencies buy directly from farmers we believe the money allocated for palay purchases may not be enough and that direct cash assistance should complement the palay purchases,” sabi ni Pangilinan.
Ayon sa senador, dapat na samantalahin ng pamahalaan ang mahigit sa apat na milyong bag ng murang bigas na nasa warehouses ng NFA para ipakalat sa buong bansa at mapakinabangan ng mahihirap na pamilya.
Magugunitang noong nakalipas na pagdinig ng Senate Committee on Agriculture and Food, inamin ni NFA Administrator Judy Dansal na ang apat na milyon bags ng bigas na katumbas ng 290,000 metriko tonelada ang nakatago sa mga NFA warehouses.
Maliban pa dito, nakapag-import ang NFA ng 1.2 milyong metriko tonelada ngayon taon kung saan nasa 290,000 MT ang hindi pa nabibili.
446