8-12 WORKING HOURS SA TALENTS NASA ‘EDDIE GARCIA LAW’

(NI BERNARD TAGUINOD)

NAKAUMANG na ang mabigat na parusa sa ilalim ng panukalang batas na tinawag na “Eddie Garcia” law na magbibigay proteksyon sa mga talent at manggagawa sa showbiz industry.

Sa ilalim ng House Bill 191 na inakda ni 1-Pacman party-list Rep. Mikee Romero, bukod sa multang P100,000 hanggang P1 million kada araw sa mga lalabag sakaling maging batas ito ay manganganib din ang prangkisa sa mga television network.

Nabuo ang nasabing panukala matapos maaksidente ang 90 anyos na si Garcia noong Hunyo 8, 2019 sa Tondo Manila sa isang TV productions ng GMA-7 at makalipas lang ang ilang araw ay namatay din ang  beteranong actor.

Dahil dito, ipinanukala na 8 hanggang 12 oras lamang puwedeng magtrabaho ang mga talents at iba pang manggagawa kasama na ang waiting time dito sa kanilang mga shooting location.

Oobligahin din ang industriya na magkaroon ng safety at medical checklist  bilang standard operating procedures sa mga shooting location upang alam ng mga manggagawa at mga talent ang kanilang karapatan.

“Safety and medical personnel shall be mandatorily deployed to all workplaces and areas during the entire conduct of working hours,” ayon pa sa nasabing panukala upang kapag nagkaroon ng aksidente ay maagapan ito sa mas malalang kahihinatnan.

Sakaling magkaroon ng aksidente, sasagutin ng network o production outfit ang gastusin ng kanilang mga empleyado at talent kaya dapat naka-insured (insurance) ang mga ito bago simulan ang isang proyekto.

“For every violation or compliance failure, the employer or contractor shall pay an administrative fine of not less than One hundred thousand pesos (P100,000.00) per day until the violation is corrected, beginning from the date of the violation or the date the compliance order was served,” nakasaad sa panukala.

Maaaring tumaas pa ng hanggang P1 million ang multa  kada araw, depende sa bigat ng paglabag ng mga sangkot na kumpanya at  “revocation of the franchise to operate”.

Hindi lamang ang mga television network ang sakop ng batas na ito kung sakali kundi ang mga film at theater industry.

 

147

Related posts

Leave a Comment