(NI BERNARD TAGUINOD)
UMAPELA ang chair ng House committee on suffrage and electoral reform sa mga may kaanak na nagtatrabaho sa ibang bansa na tumulong para mapalaki ang turn-out sa absentee voting.Ginawa ni CIBAC party-list Rep. Sherwin Tugna ang nasabing apela upang makamit ang target ng Commission on Election (Comelec) na lagpasan ang naitalang turn-out sa mga nakaraang mga halalan.
“There is a need to educate our kababayans. It is good that COMELEC performs voter education activities in Philippine posts like reaching out to Filipino communities to host regular meeting for voter education,” ani Tugna.
Gayunpaman, hindi umano ito sapat kaya kailangan ang tulong ng lahat lalo na ang mga kaanak ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) para bumoto ang mga ito sa darating na halalan.
Noong 2016 presidential election, 31.45% lang ang turn-out sa absentee voting o 432,706 lang sa 1,376,067 na nagparehistrong OFWs ang nakaboto habang noong 2013 midterm election ay 16.71% lang.
Naitala ang ang pinakamataas na turn-out noong 2004 midterm election sUbalit noong 2007 ay muling bumagsak ito sa 16.83% at muling tumaas sa 26.96% noong 2010 presidential election.
Umaasa si Tugna na sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga tao, ay makakamit ang target na maitaas pa ang bilang ng mga botanteng OFWs sa darating na halalan.
“It’s our responsability (to educate). More people to participate in our elections will be beneficial for our country’s leadership,” ayon pa sa mambabatas kaya hindi lang dapat umano iasa sa Comelec ang bagay na ito.
Umapela din ang mambabatas sa mga OFWs na tiyagain ang pagpunta sa mga embahada o konsulada ng Pilipinas sa kanilang kinaroroonang bansa para bumoto dahil ito ang paraan para marinig ang kanilang boses.
141