AYUDA SA IBANG AHENSIYA HININGI NG DOH

(NI DAHLIA S. ANIN)

MATAPOS ang 19 na taong pagiging polio-free ng bansa at makontrol ang paglaganap ng sakit, hihingi na ng tulong ang Department of Health (DOH) sa ibang ahensya ng gobyerno sa isinasagawang immunization drive ng ahensya kontra polio.

Nakipagpulong na umano ang DOH sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ukol dito at balak na rin nilang magpasaklolo sa mga uniformed personnel, Department of Education at Department of Social Welfare and Development, ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo.

“Hihingi kami ng tulong, dahil pag nagstart po tayo ng supplemental immunization sa polio, lalung-lalo na po sa Mindanao, ang pinakauna ang strategy po dito kailangan mabilisan saka lahat ng bata mapatakan,” ani Domingo sa panayam sa radyo.

Aminado naman umano ang kanilang ahensya na hindi nila kayang solusyunan ang problemang ito ng sila lang kaya kailangan din nila ang suporta at tulong mula sa iba pang ahensya ng gobyerno.

Kinumpirma kamakailan ng DOH ang unang kaso ng polio sa bansa matapos na dapuan nito ang isang tatlong taong gulang na bata sa Lanao at ng isang limang taong gulang na batang lalaki naman sa Laguna.

Nasa high risk ng sakit na ito ang mga batang may edad na limang taong gulang pababa kaya naman sila ang target ng ahensya na mabigyan ng bakuna sa immunization drive na isasagawa sa darating na Oktubre.

Sa tala ng World Health Organization (WHO), nasa 66 percent pa lang ang nasa immunization coverage ng oral polio vaccine at kailangan daw na maabot nito ang 95 porsyento.

Maliban sa polio, kinumpirma rin ng DOH ang isang kaso naman ng diptheria sa bansa matapos mamatay ang isang 10-anyos na estudyante sa Maynila dahil dito.

 

148

Related posts

Leave a Comment