BAHO NG MISLATEL NABUNYAG

(Ni NOEL ABUEL)

Hindi magdadalawang-isip ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na bawiin ang desisyon nitong gawing ikatlong player sa industriya ng telecommunication ang Mislatel Corporation kung mapapatunayang totoo ang mga ‘bahong’ nabunyag laban dito.

Ipinangako ito ni DICT acting Secretary Eliseo Rio sa pagdinig na isinagawa sa Senado hinggil sa pagkakapanalo ng Mislatel sa isinagawang bidding process ng DICT.

Ang Mislatel ay pag-aari 60% pag-aari ng Filipino billionaire Dennis Uy at 40% ng kumpanyang pag-aari ng People’s Republic of China.

Nanalo ang Mislatel Corporation, sapagkat napatunayan ng DICT na sumunod ito sa lahat ng dokumento at mga rekisitong hiningi ng kagawaran.

Sa pagdinig sa Senate Committee on Public Services, isiniwalat ni Tier One-LCS Group of Companies president/chairman Luis “Chavit” Singson na diskwalipikado ang Mislatel simula’t simula dahil mayroon din itong kontrata sa kanilang kumpanya.

Maliban dito, may pagkakautang umano ang Mislatel sa National Telecommunication Commission (NTC) na binayaran lamang ng Digital Communications Philippines Inc. o Digitel upang mag-qualify ito sa bidding.

Nakuwestyon din ang validity ng prangkisa ng Mislatel makaraang sabihin ng PT&T na mismong ang Corporate Secretary ng Mislatel na si Howard Evangelista ang umamin na hindi  sila nag-o-operate simula pa noong 1997.

Pinagdudahan din ni Senadora Grace Poe ang papel ng China Telecom na pag-aari ng pamahalaan ng China bilang bahagi ng consortium ng Mislatel.

Nag-aalala si Poe na posibleng plano ng China na kontrolin ang malaking bahagi ng internet market sa bansa para sa sariling kapakanan ng nasabing bansa.

Ang China ang pangunahing kalaban ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).

Ibinunyag ni Poe na ang China Telecom ay nakatunayang nanghi-jacked ng internet sa traffic sa ibang bansa.

Samantala, nabanas si Senador Antonio Trillanes IV sa pagbabalewala ni Uy sa Senado.

Hindi dumalo si Uy dahil ayon sa tagapagsalita ng Mislatel na si Atty. Adel Tamano ay “out of town” ang kanyang boss.

Si Tamano ang naging kinatawan ni Uy sa pagdinig sa Senado.

Idiniin ni Trillanes na dapat mismong si U yang dapat magpaliwanag sa Senado hinggil sa kuwalipikasyon ng Mislatel bilang ikatlong player sa industriya ng telekomuniskasyon ng bansa.

Matatandaang tiniyak ng Mislatel sa DICT na maglalatag ito ng internet na ang bilis ay 27 mbps sa unang taon ng operasyon nito at 55 mbps naman sa ikalawang taon.

Kapag nangyari ito, parehas na ang bilis ng internet ng Pilipinas sa Singapore na siyang pamantayan ng bilis sa rehiyon.

15

Related posts

Leave a Comment