Bakit walang nahuhuli sa warehouse raid? – Farmers group SMUGGLERS ‘DI TUMBOK SA KAMPANYA NI BBM

HINDI kumbinsido ang grupo ng mga magsasaka sa kampanya kontra smuggling at hoarding ng administrasyong Marcos Jr.

Ito ay dahil sa sunod-sunod na pagsalakay na isinagawa laban sa mga warehouse na pinaghihinalaang nag-iimbak ng bigas ay walang naaaresto ang mga awtoridad.

“Noong isang taon, may halos isang bilyong halaga ng smuggled rice ang dumating sa Port of Iloilo. May nakulong ba? This proves that the rice cartel and their wide chain of operation and networks remain protected under this administration,” ayon kay Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) chairman Danilo Ramos.

Bunga nito, hindi rin maiwasang pagdudahan ng grupo na protektado ng BBM admin ang rice cartel sa bansa.

Binigyang-diin ni Ramos na wala namang nahuli kundi kinumpiska lang ang may 202,000 sako ng bigas na hinihinalang smuggled mula sa Vietnam, Cambodia at Thailand, na nagkakahalaga ng P505 million mula sa sinalakay na warehouse sa Bulacan.

Noong nakaraang taon aniya, maraming raid ang isinagawa sa mga bodega na may mga kontrabando subalit walang mastermind na nakulong o kaya naparusahan.

“Ang sabi ng Pangulo bilang na ang araw ng mga agricultural smugglers. Ang gustong makita ng publiko ay may mahuli, makulong at maparusahang big time smugglers. Kailangan may managot sa batas,” dagdag pa ni Ramos.

Dahil dito, hinamon nito ang Pangulo na arestuhin ang mga rice smuggler at hindi lamang pagsalakay ang gawin sa kanilang mga bodega lalo pa’t hindi lang pinapatay ng mga ito ang industriya ng bigas sa bansa kundi hindi rin sila nagbabayad ng kaukulang buwis.

Kailangan din aniyang amyendahan ang Republic Act (RA) 11203 o Rice Tarffication Law dahil mas napadali, hindi lamang sa smugglers kundi maging sa mga legal importer na mag-smuggle ng bigas.

(BERNARD TAGUINOD)

319

Related posts

Leave a Comment