MAG-IINA PATAY SA PANANAGA SA SAMAR

SAMAR – Kalunos-lunos ang sinapit ng mag-iina na pinagtataga hanggang sa mapatay sa kanilang bahay sa bulubunduking bahagi ng Barangay Pupua, sa Catbalogan City, sa lalawigang ito.

Ayon sa report ng Catbalogan police, Miyerkoles ng gabi nang madiskubre ng padre de pamilya na si Edito Candiz ang sinapit ng kanyang mag-iina.

Pawang wala nang buhay ang tatlo at magkakasamang nakahandusay sa harap ng kanilang bahay na halos 200 metro lamang ang layo mula sa national highway.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na pinagtataga sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktima at ginilitan pa sa leeg ang mga ito.

Ang mga biktima ay ang 26-anyos na nanay at ang dalawang anak nito na isang 3-anyos na babae at 5-buwang sanggol na lalaki.

Ayon pa sa pulisya, tinatayang noong tanghali o hapon ng Miyerkoles nang mangyari ang krimen habang ang padre de pamilya ay wala sa kanilang bahay at namamasada ng tricycle.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang motibo at suspek sa krimen.

(NILOU DEL CARMEN)

495

Related posts

Leave a Comment