(NI BERNARD TAGUINOD)
NAGMISTULANG megamall ng mga kontraktor ang Department of Budget and Management (DMB) dahil sa mga P198 bilyong halaga ng proyektong ipinabidding ng tanggapan ni Secretary Benjamin Diokno.
Ito ang natuklasan ng House rules committee na pinamumunuan ni House Majority leader Rolando Andaya Jr., na nag-iimbestiga sa mga anomalya sa flood control projects.
Ayon kay Andaya, mismong si Bingle Gutierrez, executive director ng Procurement Service ng DBM, ang umamin na mula 2017 na pinayagan umano sila ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno kasama na ang mga government-owned and control corporation (GOCCs) na ipabidding ang kanilang mga proyekto.
“Hindi pala totoo ang sinasabi ni Sec. Diokno na hindi nakikialam ang DBM sa bidding at awarding ng mga government contracts. Hindi lang pala sila nakikialam. Sila na pala mismo ang nagsasagawa ng bidding at nagrerekomenda kung sino ang makakakuha ng mga proyekto,” ani Andaya.
Kabilang umano sa mga proyektong ipina-bidding na ng DBM ay mga big-ticket ng mga imprakstraktura na kasama sa build-build-program tulad ng pagtatayo ng airport, railways, mass transport system at maging mga military hardware kasama na ang helicopter.
Sinabi ng kongresista na wala sa mandato ng PS-DBM na magpa-bidding ng mga malalaking proyekto maliban sa mga envelops, folders, ballpen, pencil, inks, computert at iba pang office equipment na nabibili ng bultuhan upang makamura ang gobyerno kaya binigyan ang mga ito ng P7 bilyon para dito.
Maliban dito, wala umanong eksperto sa DBM para sa mga malalaki at mahahalagang proyekto ng ibang ibang ahensya lalo na sa mga kailangan ng Armed Forces.
“Mas magaling ba sa bidding ng mga airports at subway system ang mga taga-DBM-PS kaysa sa mga eksperto natin sa Department of Transportation? Mas mahusay ba silang bumusisi ng technical specification ng mga helicopters at iba pang military hardware kaysa sa Department of National Defense?,” tanong ni Andaya.
Dahil dito, kailangan umanong ipaliwanag ito ni Diokno dahil hindi niya trabaho ang magpa-bidding ng mga malalaking proyekto kundi irelease lamang ang pondo para sa proyekto ng gobyerno.
222