(NI NOEL ABUEL)
LUBHA nang nakababahala ang dumaraming bilang ng mga Filipinong lasenggero sa bansa kung kaya’t panahon nang taasan ang presyo ng alak.
Ito ang sinabi ni Senador Pia Cayetano kasabay ng pagsasabing maliban sa masamang epekto sa kalusugan na idinudulot ng alak ay malaki rin ang epekto nito sa pamumuhay ng bawat pamilya.
Sa pagpapatuloy na debate sa plenaryo ng Senado sa Senate Bill No. 1074, pinaninindigan ni Cayetano na napapanahon nang patawan ng dagdag na buwis ang mga alak at sigarilyo.
Paliwanag pa ng senador na ang paglalasing ay kabilang na sa pangunahing problema hindi lang ng mga Filipino kung hindi sa buong mundo.
“Just to put on record, the WHO (World Health Organization) is very much concerned about alcohol drinking worldwide, and it is its policy to use taxation as part of a comprehensive package to address this concern,” sabi pa nito.
Sa Pilipinas lamang aniya ay kalahati o 55.7 porsiyento ng mga may edad ay kumokonsumo ng maraming alak base sa 2018 Expanded National Nutrition Survey (ENNS) ng Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute.
“The harmful effects of binge drinking are catastrophic and are recognized globally. This is what we are trying to address through higher sin taxes,” ayon pa kay Cayetano.
416