(NI BERNARD TAGUINOD)
NAGPAPLANO ang mga militanteng grupo sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na kasuhan si Education (DepEd) Secretary Leonor Briones dahil sa ipinasarang 55 Lumad schools sa Davao region.
Sa press conference sa Kamara kasabay ng paghahain ng resolusyon na imbestigahan ang usapin, sinabi ni ACT Teacher party-list Rep. France Castro na plano nilang ipagharap ng kasong katiwalian si Briones.
“Kasong graft and corruption ang plano naming isampa laban kay Secretary Briones dahil sa pagbibigay pabor sa military,” ani Castro .
Ang military umano ang nasa likod ng pagpapasara sa 55 Lumad schools na pag-aari at pinatatakbo ng Salugpungan Ta’ Tanu Igkanogon Community Learning Centers sa Davao Region dahil pinagdududahan umano na nagtuturo ang mga ito ng idelohiyang pang-komunista.
Ayon sa mambabatas, walang katotohanan ang alegasyon ng military sa mga eskuwelahan na pinapasukan ng mga katutubo subalit nakadidismaya umano na pinaboran ito ni Briones nang suspendihin nito ang lisensya ng mga nabanggit na eskuwelahan.
Dapat pa aniyang magpasalamat ang DepEd dahil mayroong mga ganitong eskuwelahan dahil natututo ang mga katutubo.
Nabatid na mahigit 11,000 estudyanteng Lumad o Katotohan ang apektado sa pagpapasara sa kanilang eskuwelahan mula sa mga guro kaya hinamon ng mga militanteng mambabatas si Briones na bawiin ang desisyon nito dahil kung hindi ay ipaghaharap nila ito ng kaso.
147