CIDG NA “WOW MALI”; FAILURE OF INTELLIGENCE SINISILIP NG PNP 

CIDG-1.jpg

(Ni NICK ECHEVARRIA)

FAILURE of intelligence ang sinisilip ngayon ng Philippine National Police (PNP) kasunod ng maling pag-aresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isang suspek sa Lagindigan Airport.

Ginawa ni PNP Chief General Oscar Albayalde ang pahayag kaugnay sa maling pag-aresto sa isang kolumnista ng Online Davao Today na si Fidelina Margarita Valle nitong linggo.

Aminado si Albayalde na may nangyayaring  “mistaken identity” sa panig ng PNP sa ilang mga kaso ng pag-aresto tulad ng nangyari kay Valle.

May mga pagkakataon aniya na nagkakamali ang kanilang mga tauhan sa paghuli ng suspek lalo na kung hindi sigurado ang ‘complainant’ sa itinuturo nito subalit hindi aniya maaaring gamitin itong dahilan.

Binigyang diin naman ng hepe ng pambansang pulisya na agad naman nilang pinakakawalan ang hinuling suspek kapag napatunayan na nagkamali sila.

Hinihintay na rin ni Albayalde ang paliwanag ng CIDG kasunod ang pagtiyak na sakali umanong mapatunayan na may pagkukulang ang kanilang mga pulis na sangkot sa maling pag-aresto ay mahaharap ang mga ito sa kasong administratibo.

Pinagpapaliwanag na rin  ni P/BGen. Amador Corpus, hepe ng CIDG, ang kanilang mga tauhan sa Region 9 kaugnay sa pangyayari ng maling pag-aresto kay Valle.

Hinikayat din ng PNP si Valle na maghain ng reklamo kung sa tingin niya ay may nagawang paglabag ang mga pulis na umaresto sa kanya.

199

Related posts

Leave a Comment