Community pantries, tantanan PNP KINUYOG SA KAMARA

(BERNARD TAGUINOD)

KINUYOG ng mga kongresista sa mababang kapulungan ng Kongreso ang Philippine National Police (PNP) sa kanilang pagrered-tag at profiling sa mga organizer ng community pantry sa Metro Manila.

“Community pantries are bayanihan in action and in spirit. Leave them be. Leave them alone. They are not violating any laws,” pahayag ni ACT-CIS party-list Rep. Jocelyn Tulfo.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos pasyalan ng mga pulis ang mga community pantry na inilunsad sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila at kinuha ang lahat ng impormasyon ng mga organizer at tinatanong kung may kinaaanibang organisasyon ang mga ito.

Dahil dito, pansamantalang itinigil ang community pantry partikular sa Maginhawa St., Quezon City na inorganisa ni Ana Patricia Non dahil sa profiling at red-tagging umano ng mga pulis.

“Instead of encouraging the healthy mushrooming nationwide of community pantries, police elements are harassing as enemies of the State the organizers and sponsors of these free food-for-the-poor outlets,” ayon naman kay Albay Rep. Edcel Lagman.

Dapat pa sana aniyang pasalamatan ng gobyerno ang mga taong nag-oorganisa ng ganitong pagtulong dahil kulang ang ayuda ng gobyerno sa mamamayan sa gitna ng pandemya na nagdulot sa kanila ng matinding kahirapan.

“Ang pag-red-tag sa mga nag-organisa ng community pantries ay maling paraan. Tila hindi pinag-isipang mabuti. ‘Yung acts of kindness, hindi communism ‘yun. Baka pwedeng maghinay-hinay at mag-isip muna ang mga otoridad bago nila sabihing gawaing komunista ang pagsisilbi at pagtulong sa komunidad at mga taong nangangailangan,” banat naman ni Rep. Manuel Cabochan.

“Why are you terrorizing those showing solidarity and concern for our poor people? Kasalanan na ba ang pagiging gutom dahil sa kapabayaan ng pamahalaan? Krimen na ba ang pagtulong sa mga nagugutom na mga kababayan natin?,” tanong naman ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate.

Hindi aniya makatarungan ang ginagawang ito ng PNP na lahat na lamang ng mga pagtulong na ginagawa ng mga ordinaryong mamamayan ay itinuturing nilang banta sa gobyerno at inaakusahang mga kalaban ang mga ito ng estado.

Maraming tao aniya ang natutulungan ng mga community pantry kaya hindi makatao na pigilan ang mga ito.

“Who are unchristian now? Sana bumalik naman sa inyo ang tumakas na ninyong sense of humanity and compassion,” banat pa ni Zarate laban sa PNP.

Bukod sa Maginhawa St., nagsara rin ang community pantry sa Matatag St., San Andres, Pandacan at iba pang lugar matapos i-terrorize ng mga pulis, ayon pa kay Zarate.

 

Kulay-pulitika

Binatikos naman ng ilang senador ang pamahalaan sa pagsita sa mga naglulutangang community pantry sa bansa at tukuyin na red-tagging ang mga ito.

Giit ng mga senador, hindi katanggap-tanggap na ang maliit na tulong ng mga ordinaryong mamamayan ay hahaluan ng maruming pulitika sa halip na tumulong para makarating sa mahihirap ang mga pangangailangan sa pamamagitan ng pagdo-donate.

Sinabi nina Senate President Pro Tempore Ralph G. Recto at Senador Nancy Binay na maling-mali ang pamahalaan na ituring na kalaban ang community pantries.

“Ang kalaban ay gutom, hindi ang tumutulong! Ganyan na ba ka-paranoid na pati ang pagtulong sa kapwa ay minamasama? Anong ambag n’yo?” tanong ni Binay.

Giit pa ni Binay sa pamahalaan na sa halip ilagay sa red-tagging ang community pantries, dapat na paigtingin ng gobyerno ang programa nitong tulungan ang mga Pilipino ngayong panahon ng pandemya.

Sinabi naman ni Recto, na sinomang nag-aakusa na kalaban ng gobyerno ang bayanihan projects ang siyang dapat siyasatin.

“Community pantries need more food bags, not red tags, nor red tape. Let them bloom wherever they sprout, regardless of who planted them. Bureaucracy has no business throwing a shade over this pure expression of people’s power,” aniya.

 

‘Wag pakialaman
– Malakanyang

Kaugnay nito, tiniyak ng Malakanyang na walang kautusan ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa kapulisan na panghimasukan ang operasyon ng community pantries.

“Nagsalita na po ang presidente na itong community pantries exemplify the best in Filipino character at sinusugan din po ni DILG Sec. (Eduardo) Año na sinasabi ngayon lamang na wala siyang kautusan sa kapulisan na manghimasok sa operasyon ng mga community pantries,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.

Tiniyak ni Sec. Roque na iginagalang ng pamahalaan ang bayanihan sa mga kababayan at mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng community pantries.

Ang interest lamang nila ay maipatupad ang minimum health standards.

 

Babantayan
sa paglabag

Nagsalita na rin si Interior Secretary Eduardo Año na ipasisita lang niya sa PNP at ipatitigil ang community pantries kung lalabag sa mga batas ang mga organisador at taong nakikinabang dito.

“The PNP and/or local officials may just come in if there is any violation of the law or if there are complaints from the community,” banggit ni Año.

Idiniin ng pinuno ng DILG na kailangang kilalanin at sumunod pa rin ang lahat sa mga batas at alintuntuning pinaiiral para sa kaayusan at kapayapaan ng bansa habang isinagawa ang mga pagtulong sa kapwa tulad ng community pantry.

Ngunit, tiniyak ni Año na wala siyang iniutos sa pamunuan ng PNP na panghimasukan ang nasabing boluntaryong pagtulong ng mga Pilipino sa kapwa Pilipino na patuloy pa ring nahihirapan sa buhay ngayong hindi mapahupa ang pag-atake ng coronavirus disease-2019 (COVID-19).

Ang pahayag ni Año ay kaugnay ng reklamo ni Ana Patricia Non na mayroon umanong mga pulis ng QCPD na tinangkang kunin ang kanilang mga pangalan.

Ayon pa kay Non, natatakot ang kanyang kampo hinggil sa ikinilos ng mga tauhan ng QCPD dahil posibleng mayroong mangyaring masama sa kanila.

Inamin ni QCPD director na si Brig. Gen. Antonio Yarra na inalam ng QCPD ang “background” ng organisasyong nasa likod ng community pantry.

Ngunit, tiniyak ni Yarra na walang dapat ikatakot si Non at ang kanyang mga kasama sa mga pulis ng QCPD.

Samantala, para kay DILG Undersecretary Martin Diño ay obligadong kumuha ng permit mula sa pamahalaang lokal, o pamahalaang barangay, ang mga maglulunsad ng community pantry.

Ani Diño, ang layunin ng permit ay upang masunod at maipatupad ang mga alintuntunin laban sa COVID-19.

“I think now they need a permit from the mayor or the barangay,” paliwanag ng opisyal ng DILG.

“Nung time na may disaster wala pa tayong pandemic, COVID at pwede pumila at magpalitan ng mukha ang ating beneficiaries. Ngayon meron tayong protocol na sinusunod, social distancing. Kaya lahat ng nagdodonate ngayon kino-course through natin sa proper authority,” patuloy niya. (NOEL ABUEL/CHRISTIAN DALE/NELSON S. BADILLA)

62

Related posts

Leave a Comment