DAPAT buksan ng pamahalaan ang merkado sa mas maraming telecommunications companies upang mabigyan ang publiko ng mas maraming pagpipilian para sa de-kalidad at abot-kayang internet connection.
Ayon kay Senador Bam Aquino, panahon na upang magkaroon ng dagdag-kumpetisyon at hindi dapat ilimita sa tatlong players lamang.
“Why limit the industry to 3 players? The more, the merrier the consumer,” ayon kay Aquino, principal sponsor ng batas na nagbibigay ng libreng internet sa mga pampublikong lugar.
Inihalimbawa ng senador ang bansang Singapore na isang maliit na bansa ngunit may tatlo hanggang apat na telco habang ang Pilipinas ay dalawa lamang.
“Habang marami ang player at open ang playing field, mas maraming pagpipilian, mas gaganda ang serbisyo, at mas magmumura ang presyo para sa ating mga kababayan. Bakit natin ito pipigilan?” ayon pa kay Aquino, bilang chairman ng Committee on Science and Technology.
Dahil dito, magsasagawa ng pagdinig ang senador ngayong araw para tingnan ang posibilidad ng pagdaragdag ng mas maraming telco players.
Tatalakayin rin sa pagdinig ang iba pang isyu ukol sa ikatlong player na Mislatel, kabilang ang isyu ng national security at akusasyon ng pag-eespiya laban sa isang partner nito na China Telecoms.
Matagal nang iniimbestigahan ni Aquino ang mahal at mabagal na internet sa bansa mula pa noong 16th Congress sa panahon niya bilang chairman ng Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship.
Maliban sa pagdetermina ng kailangang batas para mapabilis ang internet sa bansa, nakatulong ang pagdinig upang makumbinsi ang National Telecommunications Commission (NTC) na maglabas ng panuntunan ukol sa minimum internet speeds at magsagawa ng speed testing sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang malaman kung sinusunod ito ng telcos.
Matatandang, pinangunahan din ni Aquino ang pagdinig sa ‘Nakaw Load’, kung saan naisulong ang mga pagbabago sa polisiya ng telcos sa pagbabawas ng load, bunsod na rin ng kahilingan ng mga galit na customer.
172