DAGDAG-PONDO SA VOUCHER PROGRAM SA K-12 ISINUSULONG

(NI NOEL ABUEL)

NAKUKULANGAN ang isang senador sa pondong inilaan sa Senior High School Voucher Program (SHS VP) kung kaya’t nais nitong dagdagan ito ng pondo.

Ayon kay Senador Win Gatchalian, chair ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, lumalabas umano na kulang pa ng halos P14 bilyon ang pondo para sa mahigit isang milyon at dalawang daang libong (1.2) benepisyaryo ng programa.

Sinabi nito na ang pondong kakailanganin para sa buong school year 2020-2021 ay P36 na bilyon kung saan sa kasalukuyan ay nasa P23 bilyon ang nakalaan para sa SHS VP.

“Sa nalalapit na panahon ay gagawa tayo ng ilang amendments para masiguro na mayroong  sapat na vouchers sa lahat ng mga estudyanteng benepisyaryo ng programa para sa buong school year 2020-2021,” pahayag ng senador.

Nais din ni Gatchalian na mabayaran ang mahigit P1 bilyong pagkakautang ng Department of Education (DepEd) sa mga pribadong paaralan kung saan kung susumahin ay lumalabas na P25B ang pondong maidadagdag para sa naturang voucher program.

Ikinababahala rin ng senador na kung walang sapat na pondo ang SHS VP, mapipilitang lumipat sa mga pampublikong paaralan ang mga benepisyaryong nag-aaral sa mga pribadong paaralan, bagay na magiging sanhi ng lalong pagsikip sa ilang mga silid-aralan.

Sa ilalim ng programa, hindi lang ang mga batang nasa pribadong paaralan ang natutulungan dito dahil ito rin ay para sa lahat ng mga kwalipikado at nangangailangang mga estudyante na pumapasok din sa state at local universities and colleges.

289

Related posts

Leave a Comment