DAGDAG-TULONG SA MAGSASAKA, MANGINGISDA TINIYAK

farmers12

(NI NOEL ABUEL)

MAKATITIYAK na ng dagdag na kita ang mga magsasaka at mangingisda sa buong bansa sa mga darating na araw.

Ito ang sinabi ni Senador Francis Pangilinan kasunod ng ipinasa nitong panukalang batas na Sagip Saka Law na malaking tulong sa mga magsasaka at mangingisda.

“Naipasa na ‘yung Sagip Saka Law. Ito ay malaking pagkakataon pag-accredited ang farmers organization. Pwede nang magbenta direkta sa mga lokal at national na mga ahensya ng pamahalaan. Mababawasan ang middleman, mabibigyan sila ng supporta,” ani Pangilinan.

“Sa ngayon ay binabalangkas ‘yung implementing rules and regulations, yung IRR, pero kapag naipasa na ‘yan, malaking dagdag na tulong sa ating mga magsasaka dahil gusto nilang magtanim pero nangangamba sila na baka mabulukan sila o kaya malulugi dahil ang benta, o bili ng middleman, ay barat na barat. Pero dahil dito (sa batas na ito) magtatanim sila, tataas ang ating ani at bababa ang presyo ng bilihin,” dagdag pa nito.

Sa ilalim ng Republic Act 11321 o ang Sagip Saka Act of 2019, layon nito na madagdagan ang kita ng mga magsasaka gayundin ng mga mangingisda sa pamamagitan ng tulong na matatanggap ng mga ito sa mga ahensya ng pamahalaan.

“Lahat ng accredited farmers organizations o kaya fisher-folk organizations ay maaaring maging bahagi ng ganitong negotiated purchases sa mga pamahalaang lokal at pamahalaang pambansa. So for example ang gumagawa ngayon niyan, NFA (National Food Authority), bumibili direkta sa mga magsasaka. So ngayon hindi na lang NFA ang pwedeng bumili ng produktong bigas,” ayon pa kay Pangilinan.

“Halimbawa, may rice allowance ‘yung ibang mga local governments, usually niyan cash, e di bigyan mo ng 80% cash, 20% bigas mismo. Pero ‘yung bente porsyentong na bigas na ‘yun bibilhin mo ngayon sa mga magsasaka. So ‘yan ‘yung magiging dagdag na supporta para sa ating magsasaka na alam nila pag nagtatanim sila hindi sila babaratin dahil nandiyan ang pamahalaang  lokal, pamahalaang pambansa, mga ahensya ng gobyerno na bibili sa negotiated price na hindi palugi,” paliwanag pa ni Pangilinan.

 

279

Related posts

Leave a Comment