SA hangaring tuluyang wakasan ang tinaguriang kanser sa lipunan, target ng Kamara ibalik ang parusang kamatayan sa mga ninja cops na di umano’y dahilan sa patuloy na paglaganap ng droga sa mga lansangan.
Sa rekomendasyon ng House Committee on Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, isa aniya sa dahilan kung bakit hindi nauubos ang ipinagbabawal na gamot ang mga tiwaling operatibang nagpapabenta di umano ng mga epektos na nasamsam sa operasyon.
Para kay Barbers, malinaw na patuloy pa rin ang pamamayagpag ng aniya’y mga ninja cops na karaniwang gumagamit ng kanilang mga impormante (asset) sa pagkakalat ng drogang ibinabalik sa kanila sa anyong pera pagkatapos ipabenta.
“Magre-recommend kami na itulak talaga yung death penalty dito sa mga drug offenders na ito,” ani Barbers sa isang panayam sa radyo.
Sa datos ng Kamara, meron pang apat na panukalang nakabinbin sa House Committee on Justice – lahat nagsusulong na ibalik ang parusang kamatayan.
Ayon kay Barbers, higit na kailangan ibalik ang death penalty para tuldukan na ilegal na transaksyon ng mga mga ninja cops na pinaniniwalaang patuloy na nananamasa sa pagre-recycle ng kumpiskadong roga.
Sa mga nakalipas na pagdinig ng Kongreso, umamin ang isang impormante sa kalakaran tuwing tagumpay ang operasyon. Aniya, 70% ng mga nasamsam na epektos ang pinapabenta sa kanila ng mga tiwaling operatiba.
Pagkatapos aniya nilang magbenta, obligado di umano silang magremit ng pera – at saka pa lang aniya ibibigay sa kanilang ang gantimpala – drogang nagkakahalaga ng higit pa sa itinakdang reward money. (BERNARD TAGUINOD)
450